Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Anthony, Marian Rivera describe their first kissing scene


Inamin nina Marian Rivera at Mark Anthony Fernandez na kapwa sila nailang sa kanilang first kissing scene sa nangungunang telepantasya ng GMA 7 na Darna. Bukod sa maaksiyong pakikipaglaban ni Marian bilang si Narda sa mga kalaban, ang love triangle nila ni Eduardo (Mark Anthony) at Iwa Moto, bilang Valentina ang inaabangan ng mga manonood. At kung dati ay nagpipigil pa sa kanilang pag-iibigan sina Narda at Eduardo, ngayon handa na raw nilang ipaglaban ang kanilang damdamin, ayon sa ulat ni entertainment reporter Audrey Carampel. “Finally, nakapagdesisyon na talaga si Narda na hindo na niya pakakawalan si Eduardo," ayon kay Marian sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. “Yung halik na ‘yan maraming emosyon hindi lang passion, may halong lungkot, may halong tuwa…sana kiligin yung mga manonood," pahayag naman ni Mark Anthony. Aminado si Marian na nanibago siya at hindi naging madali ang naturang eksena para sa kanya dahil first time nilang magtambal ni Mark Anthony. Sinabi naman ni Mark Anthony na kinabahan siya bago gawin ang kissing scene pero nakatulong sa kanya ng malaki ang motibasyon na ibinigay ng kanilang direktor. “Aminado rin ako sa sarili ko na hindi talaga ako sanay na gawin yung eksena na ‘yon. Dahil sa hinaba-haba ng panahon si Dong (Dingdong Dantes) lang naman ang naging leading man ko, at dun ko lang kay Dong ginawa ‘yon. So, first lang uli naiba para sa akin sobrang mahirap din talaga," paliwanag ni Marian. Bukod nga sa love triangle nina Valentina, Narda at Eduardo, sinabi ni Marian na hitik sa aksyon ang susunod na mga eksena sa Darna na dapat abangan ng mga manonood. “Kasi nagsabay-sabay na; Babaeng Lawin, Babaeng Tuod at mayroong bumalik, dalawang karakter sila na bumalik sa Darna. Ang dami-dami talaga nilang dapat abangan," pag-imbita ni Marian. - Fidel Jimenez, GMANews.TV