Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Bong Revilla says Jolo has written consent from Grace to keep their son


Proud na proud si Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. sa Ang Panday na official entry ng Imus Productions sa 2009 Metro Manila Film Festival. Napakalaki na raw ng in-advance ng technology sa paggawa ng special effects sa pelikula at ito ay mapapanood sa Ang Panday. "Marami tayong ipapakita na bago like yung nakita ninyo sa trailer, yung dragon, yung serpent, yung mga creatures na ginawan ng special effects. "Siyempre kasama natin dito si Philip [Salvador ] as Lizardo, pinaka-main villain natin. Tapos si Iza Calzado. Nandiyan din si Rhian Ramos, si Geoff Eigenmann, si Buboy Villar at marami pa," pahayag ni Senator Bong sa presscon na ipinatawag niya. And speaking of advance, halos one year in the making din ang publicity para sa pelikula. Naglabas na sila ng teaser para dito noong 2008 MMFF pa lang. May concept na ba sila para sa susunod na entry si Senator Bong para sa 2010 MMFF naman? "Merong pinaplano, Voltes V," pagkumpirma ni Senator Bong. JOLO-LOVI VIOLENCE ISSUE. Doon din sa presscon pinabulaanan ni Senator Bong ang balitang pananakit daw ni Jolo Revilla sa ex-girlfriend na si Lovi Poe. "Walang katotohanan 'yan. Kawawa naman ang bata, iniintriga. Alam naman natin kung sino yung gumagawa nung ganung intriga sa kanya. Si Lovi mismo, e, sa kanya mismo nanggaling na hindi totoo yun. "'Tsaka bawal yun. Ako mismo ang magpapakulong kay Jolo kapag ginawa niya yun," mariing sinabi ni Senator Bong. "Papa, hindi ko gagawin yun," ang sagot daw sa kanya ni Jolo nang tanungin niya ito. Isa raw sa mga dahilan ng breakup nila ay ang mga pasaring kay Lovi ni Rosanna Roces, ang ina ng dating girlfriend ni Jolo na si Grace Adriano. Pero "ayoko na lang mag-comment anything about Osang," sambit ni Bong. Sinabi ni Osang sa huling interbyu niya na nagtataka siya kung bakit naging senador si Bong at kung bakit wala siyang ginawang batas para sa mga menor de edad na gaya nina Grace Adriano na anak ni Osang at mismong anak ni Bong na si Inah Revilla-del Rosario, na parehong maagang nabuntis. "E, paano, pipigilan mo ang tao? Kaparatan ng bawat tao 'yan," ang katuwiran ng senador. "Huwag na lang natin siyang patulan dahil... wala naman kaming dapat pag-awayan. Huwag na lang nating sagutin 'yan." Sinabi rin ni Osang na handa siyang makipagpatayan sa mga Revillas para sa apong si Gab, pero isa-isa lang daw dahil kokonti lang ang pamilya niya samantalang napakarami naman ng sa actor-politician. "Bayaan ninyo lang siya... Hindi kami matapang, mabait kami. Kami'y mapagmahal," pabirong sagot ni Senator Bong. GRANDSON GAB IS HAPPY. Nagbanta si Osang na kapag hindi sa kanya magpapasko ang apo ay magsasampa siya ng kaso laban sa mga Revilla at "magkukulay-abo ang langit." Very firm na sinagot ni Senator Bong na sa kanila magpapasko ang bata. "Hindi natin mapipigilan kung gagawin [ni Osang] yun," sabi ni Senator Bong na napangiti sa sinabing magkukulay-abo ang langit. "Pero wala naman kaming dapat pagtalunan kung tutuusin. Sa bata na lang kami dapat mag-concentrate ng pagtulong." Ang mahalaga, sabi ni Senator Bong, ay nakikita niya na masaya sa kanila ang apo. Tuwang-tuwa niyang ibinalita na ingglisero na raw ito. "Ang nagtuturo sa kanya yung asawa ni Inah, si Vince [del Rosario]. Yun ang barakda niya at lagi niyang kasama kasi nagtatrabaho ang daddy niya. Ang grade niya puro A. Matalinong bata si Gab. "Si Osang, ayoko na siyang patulan. Kung nasa amin si Gab, may written consent si Grace na binigay kay Jolo. Hindi ko alam kung aware siya doon. Pero kasi wala namang dapat pagtalunan. We are willing to share the kid. Basta walang problema kina Grace at Jolo." - Trisha Alvarez, PEP