Filtered By: Topstories
News

Oportunista sa oposisyon pinapatukoy kay Mikey


MANILA – Hinamon ni Senate Minority leader Sen Aquilino Pimentel si presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo na tukuyin kung sino ang mga “presidentiables" sa hanap ng oposisyon na lihim na humihingi ng suporta sa Malacanang para sa 2010 elections. “Mikey should identify these Trojan horses so we could punish them," pahayag ni Pimentel sa ipinadalang text message sa mga mamamahayag nitong Miyerkules. Kinastigo nitong Martes ni Rep. Arroyo ang ilang kasapi ng oposisyon na nagpa-planong tumakbong presidente sa 2010 elections dahil sa patuloy na pagbanat sa kanyang ina na si Pangulong Gloria Arroyo gayung lihim na nakikipag-usap sa mga kaalyado ng administrasyon para humingi ng suporta sa 2010 polls. “There are presidential candidates who are hitting the President and yet they were doing some back-channeling through our allies," bintang ni Rep. Arroyo. Bagaman walang pangalang tinukoy ang kongresista, lumabas sa isang ulat sa pahayagan na tinawag nito ang isang “young presidentiable," na nakikipag-usap umano sa kampo ng administrasyon.

I have not sought, nor will i seek, the endorsement of President Gloria Macapagal Arroyo. Nor have I authorized anyone to do so.
– Sen Francis Escudero
Noon pa man ay nagbigay na ng babala si Pimentel na mayroong “presidentialble" na pumuposturang oposisyon ngunit lihim na nakikipag-alyansa sa administrasyon. Nais din ni Sen. Panfilo Lacson na pangalanan ni Rep. Arroyo ang kasapi ng oposisyon at patotohanan ang alegasyon sa “presidentiables." “Pero kung meron siyang alam dapat sabihin niya para ma-unmask ang mga ito at para rin maka-discern ng mga tao kung sino ang tunay na opposition, sino ang kunwaring opposition at sino ang di opposition na nagpapanggap na opposition," ayon kay Lacson na umatras na sa karera sa panguluhang halalan. Inihayag naman ni Sen Manny Villar na mas makabubuting pangalanan muna kung sino ang tinutukoy ni Rep. Arroyo bago ito pagtalunan ng oposisyon. "Siguradong hindi ako iyon pero mahirap magsalita tungkol doon, at magsalita para sa mga kasamahan ko. Hindi ko rin naman alam kasi kung totoo iyon o hindi. Siguro hanapin muna kung sino iyon," paliwanag niya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kahit hindi naman pinangalanan, itinanggi ni Sen Francis Escudero na siya ang tinutukoy na "presidentiables ni Rep. Arroyo. "I have not sought, nor will i seek, the endorsement of President Gloria Macapagal Arroyo. Nor have i authorized anyone to do so," pahayag niya sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. Si Escudero ay kasapi at kabilang sa pinagpipilian na maging standard bearer ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), na pinamumunuan ni Eduardo "Danding" Cojuangco, kilalang kaalyado ni Gng Arroyo. Kampante naman si Sen Manuel Roxas II na hindi siya ang tinutukoy ni Rep. Arroyo dahil sa ginawang pag-atake sa kanya ni Pangulong Arroyo sa SONA noong Lunes. “I have never been engaged in such games and will never be a part of that game. Besides when (President Arroyo) attacked me, she made it very clear the presidentiable most different from herself (was) Mar Roxas," ayon sa text message ni Roxas sa GMANews.TV. Matatandaan na pinatamaan ni Gng Arroyo si Roxas sa usapin ng cheaper medicine act na nang-aagaw umano ng kredito para mapababa ang presyo ng mga gamot gayung mas matapang ang naging bersyon ng panukala ng mga kongresista kaysa bersyon ng Senado. - GMANews.TV