Filtered By: Topstories
News

LP naniniwalang hahalo ang NPC sa Lakas-Kampi


MANILA – Naniniwala ang isang opisyal ng Liberal Party na sasama sa koalisyon ng Lakas-CMD at KAMPI (Kabalikat ng Malayang Pilipino) ang Nationalist People’s Coalition (NPC) bago sumapit ang 2010 presidential elections. Sa isang media forum sa Quezon City nitong Huwebes, sinabi ni Quezon Rep. Lorenzo “Erin" Tañada, tagapagsalita ng LP na pinamumunuan ni Sen. Manuel Roxas, na hindi nakapagtataka na sumali sa koalisyon ng Lakas-Kampi-CMD ang NPC dahil halos lahat ng miyembro nito ay kaalyado ng administrasyon. Idinagdag pa ni Tañada na batid na maganda ang relasyon ni business tycoon Eduardo “Danding" Cojuangco, founder at chairman emeritus ng NPC, kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. “With regard to possible alliances, I think the possibility that Lakas-Kampi coalesce with NPC will be in the end," aniya. “It is more of the closeness of the chairman emeritus of NPC (Cojuangco) to the administration." Aminado naman si Palawan Rep. Abraham Mitra, kasapi ng NPC, na lahat ay posible sa larangan ng pulitika. “The situation is very fluid and anybody can speculate but it will be up to party big bosses to decide. As long as there are no conflicts then it maybe acceptable," paliwanag ni Mitra sa isang text message. Hanggang ngayon ay wala pa ring napipili ang Lakas-Kampi-CMD kung sina Vice President Noli de Castro, Defense Secretary Gilbert Teodoro, Sen Richard Gordon at Chairman Bayani Fernando, ang magiging standard bearer ng administrasyon sa 2010 elections. Samantala, pinagpipilian naman ng NPC kung sino kina Sens Francis Escudero at Loren Legarda ang magiging pambato nila sa halalan. Nauna ng inihayag ni Speaker Prospero Nograles, opisyal ng Lakas-Kampi-CMD, na bukas siya sa posibilidad na kumuha ng standard bearer mula sa ibang partido lalo na kung si Escudero. Nitong Martes ay nalathala na nagpasaring si presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo, na may mga presidentiables sa oposisyon na panay ang batikos sa kanyang ina na si Pangulong Gloria Arroyo ngunit palihim naman na humihingi ng suporta sa Malacanang. Bagaman hindi tinukoy, mariing pinabulaanan ni Escudero ang alegasyon at iginiit na hindi siya hihingi ng basbas sa Malacanang sakaling magdesisyon itong tumakbong presidente sa 2010. Sa kabila nito, iginiit ni Pangasinan Rep Mark Cojuangco, anak ni Danding, na hindi mangyayari na sasanib ang NPC sa Lakas-KAMPI-CMD. “There is no Lakas-NPC alliance. There are no moves toward this. This is not possible. We see bright prospects for the party in 2010," ayon sa nakababatang Cojuangco sa ipinadala nitong text message. Inihayag naman ni Tañada na hindi makikianib sa administrasyon ang LP at Nacionalista Party (NP) ni Sen. Manuel Villar, dahil kapwa kaya ng dalawang partido na magbuo ng full slate sa 2010 elections. - GMANews.TV