Filtered By: Topstories
News

Anti-hunger task force nilikha ng Palasyo


MANILA – Sa kabila ng patuloy na ingay na idinudulot ng “maluhong" mga hapunan ng grupo ni Pangulong Gloria Macapagal nang magtungo sa United States, inihayag ng Malacanang ang pagbuo ng mga local task force na tutugon sa problema ng kawalan ng makakain sa Pilipinas. Sa artikulong nakapaskil sa Web site ng Malacanang nitong Martes, sinabing nilagdaan ni Gng Arroyo noong Hulyo 29, 2009 ang Executive Order No. 825 na magpapakita na seryoso ang Punong Ehekutibo na wakasan ang gutom sa bansa. Ngunit halos isang linggo matapos lagdaan umano ang naturang kautusan na magtatatag ng mga local anti-hunger task force, pinagpistahan ng media ang umano’y mga maluhong pagkain ng grupo ni Gng Arroyo nang bumisita ito sa US para makaharap si US President Barack Obama. Unang iniulat sa isang pahayagan sa New York ang pagkain ng grupo ni Arroyo sa isang sikat na restaurant kung saan umabot sa $20,000 o kulang P1 milyon ang kanilang "order" na sinasabing binayaran ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nitong Miyerkules, lumabas naman sa blog ng isang pahayagan sa Washington na kumain din ang grupo ni Arroyo sa isang restaurant sa nabanggit na estado ng US na umabot naman sa $15,000 ang halaga ng kanilang kinain. Nagsampa na ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang isang party-list group nitong Miyerkules upang paimbestigahan ang naturang “magastos" na hapunan at alamin kung may nilabag na batas ang mga kasamang opisyal katulad ng Republic Act 6713 o the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. SWS survey Sa naturang artikulo sa Web site ng Malacañang, sinabing kasamang nabanggit sa paglikha ng EO ang naging resulta ng survey ng Social Weather Station kung saan ipinakitang dumami ang bilang ng mga nagugutom. Sa pinakahuling quarterly survey ng SWS, ipinakita ang hunger incidence sa unang bahagi ng taon na umabot sa record-high na 23.7 porsiyento (tinatayang 4.3 milyong pamilya) kumpara noong huling bahagi ng 2008 o 15.5 porsiyento (tinatayang 2.9 milyong pamilya). "The Palace statement said that the national Anti-Hunger Task Force (AHTF) was created by virtue of Executive Order No. 616 which the President signed on April 3, 2007. It is composed of 29 national government agencies and faith-based organizations implementing one or more of the AHMP component programs," nakasaad sa artikulo. Sa ilalim ng EO No. 825, magtatalaga ng opisyal sa lokal na pamahalaan na siyang makikipag-ugnayan sa pambansang gobyerno upang tugunan ang problema ng gutom sa kanilang nasasakupan. - GMANews.TV