Filtered By: Topstories
News

Commonwealth Ave nais ipangalan kay 'Ka Erdy' Manalo ng INC


MANILA – Nais ng ilang kongresista na ipangalan kay Eraño “Ka Edy" Manalo, ang pumanaw na punong tagapamahala ng Iglesia Ni Cristo (INC), ang Commonwealth Avenue sa Quezon City. Sa isang pahayag mula sa Kamara de Representante nitong Sabado, inihayag ng mga kongresista na ang pagpapalit ng pangalan ng Commonwealth Avenue bilang Eraño G. Manalo Avenue ay pagkilala sa kanyang “spiritual contribution" sa bansa. “House Bill 6785 sought to convey Ka Erdy’s idea of Filipino ingenuity by sculpturing a religion that originated in the Philippines, which has expanded around the world," nakasaad sa pahayag. Sa ilalim ng pamamahala ni Manalo lumaganap ang kapatiran ng INC sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Tinatayang mayroong simbahan ang INC sa 60 bansa. “Ka Erdy also piloted the spiritual and moral well being of the Filipino people," ayon sa mga kongresista. Dapat din umanong kilalanin ang malaking kontribusyon ni Ka Erdy sa paghubog ng kultura ng mga Pilipino sa kanyang mga tagasunod sa pamamagitan ng kanyang mga pangaral sa pinapaniwalaang relihiyon. “With Eraño G. Manalo’s religious leadership that transcended over political and social boundaries, Ka Erdy is worthy to be lined up with great Filipino leaders and other great Filipino achievers," idinagdag sa pahayag. Sa ilalim ng panukala, inaatasan nito ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpalabas ng kautusan at alituntunin upang ipatupad ang pagpapalit ng pangalan ng highway. Ang Commonwealth Avenue ang itinuturing ng Metro Manila Development Authority na isa sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at buong bansa na may pinakamaraming kaso ng aksidente. Bagong tawaging Commonwealth Avenue, naunang pinangalanan ang highway bilang Don Mariano Marcos Avenue, na may habang 12.4 km simula sa Quezon Memorial Circle hanggang Quirino Highway sa Novaliches. Kabilang sa mga may-akda sa panukala ay sina Reps. Candido P. Pancrudo, Jr. (Bukidnon), Diosdado “Dato" M. Arroyo (Camarines Sur), Pedro P. Romualdo (Camiguin), Yevgeny Vincente B. Emano (Misamis Oriental), Jose S. Aquino II (Agusan del Norte), Antonio F. Lagdameo, Jr. (Davao del Norte) at Rommel C. Amatong (Compostela Valley). Pumanaw si Ka Erdy, 84-anyos, noong Agosto 31 sa kanyang tahanan dahil sa cardiopulmonary arrest. – GMANews.TV