Filtered By: Topstories
News

DILG chief Puno umatras sa VP race


MANILA – Hindi pa man nagsisimula ang pormal na karera, umatras na sa laban sa pagka-bise presidente sa 2010 elections si Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno. Ginawa ni Puno ang pag-atras sa pagtitipon sa Camp Crame sa Quezon City tungkol sa disaster preparedness nitong Biyernes. "I would like to announce today that I am withdrawing my bid to run for vice president in the coming elections," pahayag ni Puno. Si Puno ang napipisil ng partido ng administrasyon na Lakas-Kampi-CMD, para maging katambal sa 2010 elections ni Defense Sec. Gilbert Teodoro. Ginawa ni Puno ang pag-atras dalawang araw matapos ihayag ni dating Pangulong Joseph Estrada ang kanyang interes na tumakbo muling pangulo sa darating na halalan. Si Puno ang sinasabing namagitan kay Estrada at sa Malacanang upang mabigyan ng executive clemency ang dating lider matapos mahatulang guilty sa kasong plunder ng Sandiganbayan noong September 2007. Nasa kampo rin ni Estrada si Puno nang manalo ang una bilang pangulo ng bansa noong 1998 presidential elections. Dahil kay Loren? Samantala, nanataling tahimik naman si Puno nang tanungin ng media kung may kinalaman sa kanyang pag-atras ang pagkutang ng pangalan ni Sen Loren Legarda bilang katambal ni Teodoro. Nitong Huwebes, tinawag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, opisyal ng Lakas-Kampi, na "superstar tandem" ang tambalan nina Teodoro at Legarda sa ilalim ng partido ng administrasyon. Nauna ng inihayag ni Legarda, kasapi ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), na hindi siya kakalas sa oposisyon. Matunog din si Legarda na maging running mate ng kapartidong si Sen Francis Escudero. Ayon kay Puno, personal niyang desisyon na umatras sa pagka-bise presidente para tumulong sa ginagawang programa ng pamahalaan sa mga nasalanta ng kalamidad. May sakit Kaagad din pinawi ni Puno ang mga espekulasyon na problema sa kalusugan – partikular sa puso- ang dahilan ng kanyang pag-atras sa labanan. "I am perfectly healthy. I can even show you my chest to show that I haven't [under] gone any operation. All rumors about bad health are all rumors," ayon sa kalihim. Sinabi ni Puno na pinili niyang manatili sa DILG hanggang sa huling sandali ng termino ni Pangulong Arroyo upang tumulong sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyo. "I did this so that there will be no more talk of candidacy in the coming days and to dedicate myself to serving the people in the way I know best," pahayag niya. Hindi pa umano nasasabi kay Gng Arroyo ang kanyang pag-atras sa eleksiyon. "I haven't talked with [the] President directly about my decision, but I assume the people I have talked [to] about it have informed the President," idinagdag ni Puno. Nang tanungin kung ano ang susunod na hakbang na gagawin ng partido kasunod ng kanyang pag-atras, sinabi ni Puno na ipapaubaya na lamang niya ito sa liderato ng Lakas-Kampi-CMD. "Kalimutan muna natin ang politika ngayon at tutukan ang mga problema na dapat tutukan. I wish the party leaders well and I know they will make the right decision in the future," pagtatapos niya. – GMANews.TV