
Ang probinsiyanang “Tisay" na si Amanda Colley Van Cooll ang tinanghal na “Sole Survivor" sa reality TV show na
Survivor Philippines: Palau matapos maungusan ng isang boto ang transsexual beauty queen na si Justine Ferrer. Sa isinagawang botohan ng
Survivor Philippines: Palau nitong Biyernes, nakakuha si Amanda ng apat na boto mula sa pitong jury na kinabibilangan ng mga dating castaways kontra sa tatlo ni Justine. Wala namang nakuhang boto ang 22-anyos na print at commercial model na si Jef Gaitan, na binansagang "The Girl-Next-Door." Si Amanda ang nag-uwi ng tseke na nagkakahalaga ng P3 milyon bilang grand price sa kompetisyon. Sa isang challenge, nanalo naman ng house and lot ang negosyante mula sa Pangasinan na si
Charles de Vera Ngunit bago bilangin ng host na si Paolo Bideones ang mga boto, tinanong muna niya ang
“Final 3" kung mayroon silang pinagsisihan sa pagsali sa
Survivor Philippines: Palau. Tumagal ang 16 castaways sa isla ng Palau sa loob ng 39 araw, sumabak sa 24 na challenges at sumalang sa 14 tribal council meeting. Unang tinanong ni Paolo si Justine na napaiyak sa paghingi ng paumanhin sa pamilya ni Amanda na nasabihan niya ng hindi maganda noong nasa isla pa sila. Dayuhan ang ama ni Amanda at Pinay ang kanyang ina. Sa isang pagtitipon ng tribal council, inilahad ni Amanda na caregiver ang kanyang ina na naghuhugas umano ng puwet ng kanyang mga inaalagaang dayuhan. “Sorry sa pamilya ni Amanda hindi ko alam na lumabas ‘yon sa bibig ko," naiiyak na bungad ni Justine. “Nang pinapanood ko (ang nangyari sa Palau) kinailangan ko ng psychologist sa tabi ko para ma-digest ko yung mga pangyayari." Pagsumamo pa niya, “Pero sobrang I’m deeply sorry…kasi resulta lang yung ng walang kain, walang pahinga, pressure, tapos gusto mo pang manalo. Sana po kung bibigyan nyo ‘ko ng pagkakataon na makita ang tunay na Justine in real life para mapatawad nyo ko, sana bigyan nyo po ako ng chance." Ayon kay Paolo, ang pahayag ni Justine ay patunay na hindi basta biro ang pinagdaanan ng mga castaways sa mahigit isang buwan na pananatili nila sa Palau. “Kita nyo na, although it’s a game (but) it’s not a child’s play. Matindi ang pinagdadaanan ng mga castaways," pahayag ni Paolo. Labis naman pinasalamatan ni Jef ang pagsali sa
Survivor dahil nakita umano niya ang mga kamalian sa sarili. Marami raw siyang natutunan sa mga nakasamang castaways. Para naman kay Amanda, bagaman may pagkakataon na naging emosyunal siya, wala umano siyang pinagsisihan dahil ang lahat ng ginawa niya sa isla ay bahagi ng kanyang taktika para manalo. “Wala akong pinagsisihan kasi its all part of my strategy. I know I hurt people but it is part of it, we can’t avoid it. And I do admit in the end… medyo I’m kinda’ too emotional kinda’ involve… no regrets I think I played it well," pahayag ng 25-anyos na sole survivor na dating nagtrabaho bilang construction worker sa Alaska. -
Fidel Jimenez, GMANews.TV