Filtered By: Topstories
News

Claudio: Villar-Loren tandem malakas pero…


MANILA – Matapos selyuhan ang tambalan nina Sens Manny Villar at Loren Legarda para sa panguluhang halalan sa May 2010, inamin ng isang opisyal sa Malacanang na malakas ang naturang pares ng Nacionalista Party. Ngunit hindi umano nababahala ang administrasyon sa Villar-Loren tandem dahil higit na malaki ang magiging epekto nito sa hanay ng oposisyon, ayon kay presidential political adviser Gabriel Claudio. "The personal chemistry and geographical complementarity are there. We wish them well," ayon kay Claudio, opisyal ng Lakas-Kampi-CMD. "A strong NP ticket will divide the opposition further, as the administration consolidates its forces into a single, united and compelling electoral machinery," idinagdag niya. Ibabandera ng administrasyon sa 2010 elections ang tambalan nina dating Defense Sec Gilberto Teodoro at aktor na si Edu Manzano. Pambato naman ng Liberal Party ang tambalang Sens Benigno Aquino III at Mar Roxas. Kasado na rin ang tambalan nina dating Pangulong Joseph Estrada at Makati mayor Jejomar Binay para sa Puwersa ng Masang Pilipino (PMP). Hindi hinog sa pilit Sa seremonyang ginanap sa Laurel House sa Mandaluyong City nitong Martes, pormal na ipinakilala ni Villar si Legarda na kanyang magiging katambal sa panguluhang halalan sa ilalim ng NP. “Sa loob ng maraming linggo, binabatikos ako ng publiko at ilan sa media kung bakit masyado kong pinatatagal ang presentasyon at pagpapakilala sa aking makatatambal sa 2010, ngayon ipinamamalaki kong inihahayag na aking makatatambal si Sen. Loren Legarda," pagpapakilala ni Villar sa senadora.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Hindi ito hinog sa pilit, hindi ginawa dahil sa popularidad, hindi hinubog sa emosyon kundi nagkakaisang matupad ang pangarap na magkaroon ng pagkain ang bawat pamilyang Filipino sa bawat hapag-kainan, trabaho sa lahat, mahusay na edukasyon at malinis na kalikasan para sa kinabukasan ng ating bayan," idinagdag ni Villar. Pinili umano niya si Legarda dahil nagkakaisa silang dalawa sa pangarap na maingat ang kabuhayan ng mas nakararaming mamamayan kabilang ang pangangalaga sa mga overseas Filipino workers at kalikasan. Inihayag ni Legarda na may basbas at suporta ng kanyang partidong Nationalists Peoples’ Coalition (NPC) ang pagtanggap niya sa alok ni Villar na maging running mate sa 2010 presidential race. Nagdesisyon umano siyang sumama kay Villar sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw noong nakaraang taon dahil naniniwala siyang maitataguyod ng kanilang tambalan ang sariling adbokasiya partikular sa OFWs at kapaligiran. “Nagkakaisa ang aming dedikasyon para sa proteksiyon ng kapaligiran at pagbabawas ng climate change, mahusay na pamamahala at matiyak na pantay na maibabahagi ang yaman ng bansa dahil kapwa kami nanggaling sa ibaba. Siya laking Tondo, ako laking baha sa Malabon," pahayag nito. Noong isang taon, kabilang si Legarda sa mga bumoto para patalsikin si Villar na Senate President matapos pumutok ang kontrobersiya sa C-5 road project. Kabilang naman ngayon si Legarda sa 12 senador na pumirma sa resolusyon na nagdedeklarang absuwelto si Villar sa alegasyon ng “double insertion" sa pondo ng nabanggit na proyekto. Sinabi ni Legarda na isusulong nila ni Villar ang pagbabago batay sa personal nilang karanasan sa kanilang buhay. “We don’t promise change, we are example of change. Now, I cast my luck with Manny Villar because I believe our partnership will ensure a new beginning and future of the all Filipinos," ani Legarda. “Ours is a partnership is for meaningful change with complete trust." - GMANews.TV