Filtered By: Showbiz
Showbiz

Krista breaks silence on her 'affair' with Pacman


Nagsalita na ang sexy actress na si Krista Ranillo tungkol sa kumakalat na intriga sa umano’y relasyon nila ng tinaguriang “pambansang kamao" na si Manny Pacquiao.
For the latest Philippine news videos, visit GMANews.TV Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, iniulat na nakausap ni entertainment reporter Nelson Canlas si Krista sa pamamagitan ng chat sa Internet. Inamin ni Krista na batid niya ang kumakalat na tsismis tungkol sa umano’y romantikong ugnayan niya kay Pacquiao na kasama niya sa pelikulang “Wapakman." “Yeah, heard about it already… we’re still discussing when and how to speak.." tugon ni Krista sa tanong ni Nelson tungkol sa umano’y relasyon nito kay Manny. Mariin din pinabulaanan ng aktres ang isa pang kumakalat na tsismis na nagdadalang-tao siya. Tungkol naman sa pinagpipistahang video sa Internet tungkol sa kuha ni Manny na nagmamaneho ng kotse sa US at may sakay na babae na nagtakip ng mukha, sinabi ni Krista na hindi pa niya ito napapanood. May mga espekulasyon na hindi ang asawa ni Manny na si Jinkee ang sakay nito sa kotse dahil sinasabing Nobyembre 3 na-upload ang video sa celebritynation.tv, gayung Nobyembre 9 dumating si Jinkee sa US para manood ng laban ng asawa kay Miguel Cotto sa Las Vegas. Sa kabila ng pagkakaugnay niya kay Manny, sinabi ni Krista na sila pa rin ng kanyang nobyo na si Direk Dominic Zapata. Sa text message na ipinadala ni Direk Dom sa GMA News, ipinagtanggol nito si Krista at iginiit na maraming kasinungalingan ang lumalabas tungkol sa aktres. Hindi na ito nagbigay ng iba pang pahayag, at hindi rin naging malinaw kung sila pa rin talaga ni Krista. Samantala, matapos mabigong makausap ng GMA News Saksi nitong Martes, nagpahayag na nitong Miyerkules ang manager ni Krista na si Arnold Vegafria, na magpapatawag sila ng press conference pagdating nila sa bansa upang linawin ang mga isyu tungkol sa kanyang alaga. “I’m now in Paris and Krista is now in the United States. But we spoke kanina and we’ll talk about how we’re going to handle all these allegations sa kanya. So when I get back, we’ll hold a presscon para to answer all the allegations sa kanya na mga negative," ayon kay Vegafria. Sa kabila nito, nanatiling tahimik naman ang mag-asawang Manny at Jinkee tungkol sa kontrobersiya. Matatandaan na nakitang umiyak at tila tinabig ni Jinkee ang kamay ni Manny sa ginawang Thanksgiving mass sa LA matapos ang matagumpay na laban ng Pinoy champ kay Cotto. - Fidel Jimenez, GMANews.TV