Filtered by: Topstories
News

Pacquiao hinamon magsalita tungkol sa ‘relasyon’ kay Krista Ranillo


MANILA – “Tototoo o hindi." Ito ang sagot na nais marinig ng mga babaeng kongresista kay Pinoy boxing hero Manny Pacquiao tungkol sa umano’y romantikong relasyon nito sa aktres na si Krista Ranillo. Sa halip na umiwas, sinabi ni Party-list Reps Risa Honteveros (Akbayan) at Liza Maza (Gabriela), na makabubuting harapin at sagutin ni Pacquiao ang kontrobersiya lalo na kung hindi naman totoo ang mga balita sa kanila ni Ranillo.
For the latest Philippine news videos, visit GMANews.TV Ayon kay Honteveros, mananatili ang espekulasyon na nagtataksil ang tinaguriang “pambansang kamao" sa kanyang asawang si Jinkee kung hindi magsasalita ang mga taong sangkot sa usapin. “Magpakatotoo siya sa kanyang pagtaya. Kung hindi totoo ang mga alegasyon, pabulaanan niya. Kung totoo, pumili siya at panindigan niya," pahayag ni Hontiveros. Lalong uminit ang kontrobersiya tungkol kina Pacquiao at Ranillo nang kumalat sa Internet ang video na nakunan ang seventh time world champion na nagmamaneho ng kotse sa US kasama ang isang hindi nakilalang babae na nakatakip ang mukha. Sa Thanks Giving mass sa Las Vegas matapos ang matagumpay na laban ni Pacquiao kay Miguel Cotto, nakita namang umiyak si Jinkee sa kalagitaan ng misa nang mabanggit ng pari ang tungkol sa pamilya. Una rito, sinabi ni Ranillo sa GMA News na batid na niya ang kumakalat na kontrobersiya tungkol sa kanila ni Pacquiao. Ngunit wala itong malinaw na pahayag kung totoo o hindi ang balita. Pinaalalahanan naman ni Maza si Pacquiao na iniidolo siya ng maraming Pilipino kaya dapat iwasang masangkot sa mga kontrobersiya katulad ng pagpasok sa bawal na relasyon. “Pacquiao should realize that he is now a Filipino idol and is seen as a role model to many. As such, it is not good to be seen as a role model to many," pahayag ng kongresista. “As such, it is not good to be seen as a womanizer, an unfaithful husband. That’s not a good example to the youth who idolize him," pahabol pa niya. - GMANews.TV
LOADING CONTENT