Filtered By: Topstories
News

Bongbong pasok kay Villar: Alyansa ng NP, KBL sinelyuhan


MANILA – Sigurado na ang pagtakbo sa senatorial race sa May 2010 elections ni Ilocos Norte Rep. Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr., sa ilalim ng Nacionalista Party ni presidential bet Sen Manny Villar. Ito ay matapos magpirmahan ng alyansa ang NP at Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na itinatag ng ama ni Marcos na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na minsan ding naging kasapi ng NP. Ang NP ay isa sa itinuturing pinakamatandang partido pulitikal sa Pilipinas. Dahil sa pagsasanib ng puwersa, sinabi ni Rep. Marcos na malabong masolo ng pambato ng administrasyon na si Gilberto Teodoro ang boto ng mga taga-Norte sa panguluhang halalan. “Makikita naman ninyo, nandito ang lahat ng lider ng Solid North," ayon kay Marcos patungkol sa mahigit 500 lokal na lider ng Ilocos Norte at Samahang Ilokano na sumaksi sa alyansa na ginanap sa Laurel House ni Villar sa Mandaluyong City. Sinabi ni Marcos na pinili nilang suportahan si Villar sa panguluhang halalan dahil magkatugma ang adhikain ng kanilang partido na tugunan ang pangungunahing pangangailangan ng mamamayan – ang makaahon sa kahirapan. “Isang simpleng tao na may simpleng solusyon kahit sa kumplikadong problema. Isang tao na may simpleng pangarap, at nakapag-aral, nakatulong sa pamilya, nakapagtayo ng sariling negosyo. Simpleng pangarap na namunga ng maraming tagumpay," patungkol ng kongresista kay Villar. Una rito, inihayag ni Teodoro na tiwala siyang makukuha ang buong suporta ng mga Ilokanong botante dahil sa lahing Ilokano ang kanyang ama. Ngunit para kay Rep. Marcos, si Villar ang kandidato na nakikita nilang makalulutas sa problema ng kahirapan na hindi nagawa ng kasalukuyang administrasyon. “Kahit sinuman, hindi malilimutan ng lahat ang alyansang ito ‘di tulad ng bagong kasal na walang ibang naalala kundi ang lugar at petsa ng kasalan. Ngayon, hindi malilimutan kung bakit ikinasal ang NP at KBL dahil nagkakaisa ang aming pananaw na maiahon sa kahirapan ang nakararaming mamamayan," pahayag nito. Multo ng Martial Law Ngunit hindi lahat ay natutuwa sa nangyaring kasunduan ng NP at KBL. Nagpahayag ng pag-aalala ang militanteng grupong Bayan Muna na may negosasyon din kay Villar para makasama sa senatorial slate ng NP sina Partylist Reps Satur Ocampo at Lisa Maza. Nangangamba si Ocampo na baka malagay sa kompromiso ang posisyon ni Villar sa mga mahahalagang usapin katulad ng pagbibigay ng katarungan sa mga biktima ng batas militar noong panahon ni dating Pangulong Marcos. Idinagdag pa ng militanteng kongresista na kasama rin sa hininging garantiya ng Bayan Muna kay Villar ay masigurong ipagpapatuloy nito ang paghabol sa mga umano’y nakaw na yaman ng mga Marcos kapag nanalo. Ngunit sa kabila nito, sinabi ni Ocampo na bukas siyang makasama sa senatorial ticket ng NP si Rep. Marcos sa kondisyon na huwag silang magkakasama sa ibabaw ng entablado sa kampanya. Nilinaw naman ni Rep. Marcos na ang alyansa nila ni Villar ay nakabatay sa plataporma at wala silang pinag-usapan na kompromiso sa iba’t-ibang usapin na kinakaharap ng kanilang pamilya. Iginiit pa niya na higit na dapat tutukan ngayon ang problema ng kahirapan kaysa mga usapin na nangyari noong panahon ng panunungkulan ng kanyang ama. Inihayag naman ni Villar na dapat maging halimbawa ang nakaraan ngunit hindi umano ito kailangan maging hadlang upang umusad ang bansa sa kaunlaran. – GMANews.TV