Filtered By: Topstories
News

Satur Ocampo atras na sa NP dahil kay Marcos


MANILA – Hindi na itutuloy ni Bayan Muna Party-list Rep. Satur Ocampo ang pagsama sa listahan ng senatorial candidate ng Nacionalista Party ni presidential aspirant Sen Manny Villar sa May 2010 elections. Ginawa ni Ocampo ang deklarasyon nitong Martes bilang pagpapakita ng pagtutol sa pinasok na alyansa ni Villar sa Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Ilocos Norte Rep. Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr. Bago ang alyansa ng NP at KBL, mayroon ng negosasyon na ginawa para sa posibleng pagkakasama ni Ocampo sa senatorial line-up ni Villar. Bukod kay Ocampo, balak ding patakbuhin ng militanteng grupo bilang kandidatong senador si Gabriela Party-list Rep Liza Maza. “Last week, we were in the final phase of talks with Nacionalista Party standard bearer Manny Villar on the possibility of being guest candidates in the NP senatorial ticket," pahayag ng mga kongresista. “However, the formal alliance between the NP and the Kilusang Bagong Lipunan and the declaration of Congressman Bongbong Marcos’ senatorial candidacy under this alliance became a stumbling bloc to this possibility," idinagdag nila. Sa kabila nito, ikinukonsidera pa rin ng dalawang kongresista na tumakbong senador bilang mga indepedyente. "We will build our alliance as we have been doing in the regional and provincial level," ayon sa kongresista. Noong nakaraang linggo, inihayag din ni Ocampo na walang kinahinatnan ang pakikipag-usap nila sa Liberal Party na pangungunahan ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III. Ayon kay Ocampo, dating tagapagsalita ng National Democratic Front, si Villar lamang ang tanging nag-alok sa kanila na makasama sa senatorial ticket matapos silang magkasundo sa plataporma ng partido. “Si Villar lang ang nag-offer sa amin at talagang nagsama ang aming mga plataporma kaya lang nagka-problema dahil sa KBL," kuwento nito. Sa kabila nito, bukas pa rin umano ang mga kongresista na makipag-usap kay Villar, maging kay Aquino. “We are still open to all opposition presidentiables, we will decide soon on who to support," ayon kay Ocampo. - GMANews.TV