Filtered By: Topstories
News

‘Scorpio Nights’ star Daniel Fernando susubok muli sa Bulacan


MALOLOS CITY – Sasabak muli sa eleksiyon ang aktor na si Daniel Fernando sa May 2010 para sa posisyon ng bise gobernador sa Bulacan sa ilalim ng partido ng administrasyon. Katambal ni Fernando bilang pambatong gobernador ng Lakas-Kampi-CMD ang kasalukuyang bise gobernador ng lalawigan na si Wilhelmo Alvarado. Si Fernando, nakilala sa pelikulang "Scorpio Nights 1," ay unang pumasok sa larangan ng pulitika sa Bulacan nang tumakbong alkalde sa bayan ng Guiguinto noong 1998 elections pero natalo. Pinalad naman siyang mahalal ng dalawang ulit bilang Bokal sa lalawigan noong 2001 at 2004 elections. Nalasap ng aktor ang ikalawang pagkatalo sa eleksiyon nang tumakbong bise gobernador noong 2007, kung saan nagwagi si Alvarado na kakampi na niya sa May 2010 polls. Makakaharap ni Alvarado sa pinakamataas na posisyon sa kapitolyo ang dating gobernador ng lalawigan na si Maria Josefina Mendoza Dela Cruz, na pambato ng Liberal Party-Del Pilar. Si Dela Cruz ay kapatid ng kasalukuyang gobernador na si Joselito Mendoza, na kamakailan ay idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na natalo sa recount laban kay Roberto Pagdanganan. Tatakbo rin bilang gobernador si Santos Esteban Caperlac ng Alpa Omega 9K party, katambal si Mayeth Salvador Cruz. Samantala, independent candidate bilang bise gobernador si dating Bocaue mayor Serafin Dela Cruz. Si Dela Cruz ang nakaupong alkalde ng Bocaue nang maganap ang malagim na ‘Pagoda’ tragedy noong 1993. - GMANews.TV