Filtered By: Topstories
News

Full automation iginiit ng kongresista sa ARMM


MANILA – Posibleng manatiling mano-mano ang halalan sa 30 porsiyentong bahagi ng Pilipinas dahil sa kawalan ng “signal" ng mga telecommunication companies na kailangan sa isasagawang computerized elections. Sakaling gamitin ang mano-manong halalan sa ilang piling lugar sa bansa, iginiit naman ni Anak Mindanao party-list Rep. Mujiv Hataman na hindi dapat isama rito ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi ni Quezon Rep. Danilo Suarez, chairman ng House committee on oversight, irerekomenda ng komite sa Commission on Elections na sa 70 porsiyento lamang ng bansa ipatupad ang full automation ng 2010 presidential elections. Ang rekomendasyon ay batay umano sa ibinigay na impormasyon ng National Telecommunications Commission (NTC) sa isang padinig na 30 porsiyento ng Pilipinas ang wala pa ring “signal" ng Smart Communications, Globe Telecoms at Sun Cellular. “Why don’t we go into more approachable and pragmatic solution which is manual system in areas that have no signal," ayon kay Suarez. Idinagdag ng kongresista na hindi na kailangang bawasan ang inilaang P7.2 bilyong pondo sa kontrata ng poll automation kahit pa bawasan ang sakop ng mga pagdarausan ng modernong paraan ng halalan. Hindi na rin umano kailangang magpasa ng panukalang batas ang Kongreso sakaling gawing partial automation ang presidential elections. No to manual polls Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Rep Hataman na dapat gumawa ng paraan ang pamahalaan upang matuloy ang full automation sa ARMM na sinasabing isa sa mga pinangyayarihan ng “dagdag-bawas" operation sa Mindanao. “Kung walang cellular phone signal sa mga lugar sa ARMM gawan nila ng paraan para hindi na mano-mano lang ang eleksiyon. Kung mag-partial sila, please gawing automate sa buong ARMM kasi vulnerable ang cheating sa dun," pag-amin ni Hataman. Una rito, sinabi ni Speaker Prospero Nograles Jr. na bukas siya sa posibilidad na maging partial automation sa May 2010 kung talagang hindi na kakayanin ang full automation. “If you ask me for a fallback, this (hybrid election) might be an option in the event that poll automation will not be achieved," deklara ni Nograles. Lumitaw daw sa survey ng Pulse Asia na mahigit 60 porsiyento ng mga Pilipino ang wala alam kundi man kakaunti ang kaalaman sa modernong paraan ng halalan. Napag-alaman din sa pagdinig ng Senado na nagagahol na sa panahon ang Comelec dahil sa pagkaantala ng pagdeliber ng mga makinang gagamitin sa halalan. - GMANews.TV