Filtered By: Topstories
News

Listahan ng botante sa Mayo ‘pinalobo’ ng 5 milyon – Kontra Daya


MANILA – Isiniwalat ng isang arsobispo nitong Martes na ‘pinalobo’ umano ng limang milyon ang listahan ng mga botante sa darating na halalan sa Mayo 10. Sa panayam ng GMANews.TV kay Archbishop Oscar Cruz, lead convenor ng Kontra Daya, hindi lahat ng nakatalang 50.723 milyon botante ay tunay na mga botante. “The estimate of all voters registered combined is padded . . . the list of voters is padded by five million," ayon kay Cruz batay umano sa nakuha nitong impormasyon sa isang dating opisyal ng Commission on Elections. Inilarawan ni Cruz ang dating opisyal ng Comelec na “well-respected." “That is the estimate that she has and I got that in writing. Nung nawala na siya sa Comelec, hindi na tinuloy yung cleansing," idinagdag ng arsobispo. Hinihinala ni Cruz na ang mga “extra voters" ay kasama sa mga nagparehistro na higit sa isang beses. Kasama rin umano ang mga botante na patay na o nakakulong at hindi na maaaring bumoto. Idinagdag niya na posibleng hindi sadya ang paglobo ng bilang ng mga botante, maliban doon sa mga flying voters na talagang ipinalista sa magkakaibang lugar para makaboto ng higit sa isa. Gayunman, ipinapaubaya na umano ng grupo ni Cruz kay Comelec chairman Jose Melon sa magsagawa ng imbestigasyon para malinis ang listahan ng mga botante. 'Tip of the iceberg Una rito, isiniwalat ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na aabot sa mahigit 40,000 “double registrants" sa Davao City at Davao del Sur. Ayon kay Speaker Prospero Nograles, kandidatong alkalde sa Davao City, posibleng “tip of the iceberg" lamang ang natuklasan ng PPCRV tungkol sa mga nagparehistro ng higit sa isa sa kanyang lalawigan. “While I urge the public to keep their faith on the COMELEC, I also urge COMELEC Chairman Jose Melo to dig deeper into this revelation of the PPCRV because this can just be the tip of the iceberg," anang kongresista. “The COMELEC should find out why dead people were able to register and the relatives and supporters of some politicians particularly in Davao City were able to register twice. Baka naman hindi lang sa Davao City at Region XI ito." Batay umano sa nakalap na impormasyon ni Nograles, mayroon pa ring sindikato sa Comelec na nasa likod ng mga iregularidad sa pagpaparehistro ng mga botante. Sakabila nito, ikinagulat ni chairman Melo ang isiniwalat ni Cruz, at nanindigan ang opisyal na nalinis na nila ang listahan ng mga botante. “Where did they get that figure? Five million sobra-sobra naman," ayon kay Melo. - GMANews.TV