Filtered By: Topstories
News

Gibo-Loren tandem: ‘One Cebu’ party inilaglag si Edu


MANDAUE CITY, Cebu – Idineklara nitong Sabado ng ‘One Cebu’- ang namamayaning lokal na partido sa lalawigang at kaalyado ng administrasyon - ang suporta sa kandidatura nina administration presidential bet Gilberto “Gibo" Teodoro" at vice presidential candidate Sen Loren Legarda. Pumili rin ng 12 kandidatong senador mula sa iba’t ibang partido na susuportahan ang One Cebu na itinatag noong 2004 at pinamumunuan ni Cebu Governor Gwendolyn “Gwen" Garcia. Sa ipinatawag na press conference ni Garcia sa Norki’s Compound sa bayang ito, pormal na inanunsiyo ng gobernadora ang pagbasura sa kandidatura ng actor-politician na si Edu Manzano, running mate ni Teodoro, manok ng Lakas-Kampi-CMD sa darating na panguluhang halalan sa Mayo. Pinili ng ‘One Cebu’ party na suportahan si Legarda, kasapi ng Nationalist People’s Coalition (NPC), at katambal naman ni Nacionalista Party (NP) presidential bet Sen Manny Villar. Ang 12 kandidatong senador na pinili ng One Cebu ay sina Gilbert Remulla, Atty. Adel Tamano at Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr., na pawang kasapi ng NP; reelectionist Sens. Bong Revilla at Lito Lapid at Ramon Guico, kasapi ng Lakas-Kampi-CMD; Senate President Juan Ponce Enrile, reelectionist Sen. Jose “Jinggoy" Estrada at dating Sen. Francisco “Kit" Tatad na kasapi ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP); dating Sen. Franklin Drilon at Ruffy Biazon ng Liberal Partry (LP); at dating Sen. Vicente “Tito" Sotto III ng NPC. “They would work for Cebu’s agenda and interest through principled politics," ayon kay Garcia. Bukod kay Manzano, hindi rin dinala ng One Cebu ang mga kandidato ng administrasyon na sina senatorial candidates Raul Lambino, Rey Langit at dating justice Sec. Silvestre “Bebot" Bello III. Sa isinagawang kick-off rally ng mga lokal na kandidato nitong Biyernes ng gabi na ginawa sa Diosdado Macapagal Sports and Convention Center, tanging sina Teodoro, Revilla, Lapid at Guico lamang ang inimbithan. Kabilang ang Cebu sa mga lalawigan na mayaman sa boto na umaabot sa halos 2 milyon. Noong 2004 presidential elections, mahigit isang milyong ang nakuha ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Tiniyak ni Garcia na magtatrabaho ng husto ang One Cebu para maipanalo ang lahat ng dala nilang kandidato sa nasyunal. ‘Di bibitiw sa pangako Sa hiwalay na press conference na ginawa nitong Biyernes, idineklara ni Garcia na hindi niya sisirain ang kanyang pangakong binitiwan noong Nobyembre na suportahan ang kandidatura ni Teodoro. Sinabi ng gobernador na pinulong niya noong Miyerkules ang mga lokal na opisyal na kasapi ng One Cebu kasunod ng napaulat na ilang kapartido ang nagbato ng suporta sa kandidatura ni Villar. Sa naturang pulong, nilinaw umano ni Garcia na handa siyang mawalan ng suporta sa mga lokal na opisyal kung hindi siya sasamahan na panindigan ang suporta kay Teodoro. “I even said if all of you will lead me, then I would rather risk losing all your support, than lose myself respect and that is precisely why we have the mayors with One Cebu because they also part of the principled group," kuwento ng gobernador. Nang tanungin kung ang pulong ay maituturing na loyalty check, sinabi ni Garcia na mas tamang tawagin iyon na, “check on their principle and integrity." Iginiit ni Garcia na mahalaga sa One Cebu party na mapanatili ang kanilang palabra de honor. “We stand by our commitment, we keep our promises and as we stated in our convention last November, we will state it again for the record and to finally put an end to all of these speculations and wishful thinking," aniya. Para patunayan na hindi hati ang suporta ng pamilya Garcia kay Teodoro, dumalo rin sa pulong ang kapatid ng gobernador na si Cebu Rep. Pablo John Garcia at ama nilang Deputy Speaker for Visayas Rep. Pablo Garcia. Sa kanyang talumpati sa ginanap na rally pagsapit ng gabi ng Biyernes, sinabi ni Teodoro na lubos ang kanyang pasasalamat sa tiwala ng mga lokal na lider sa lalawigan sa pangunguna ng gobernadora. Naunang napaulat na nakuha ni Villar ang suporta ng pinsan ni Gov. Garcia na si Cebu mayoralty bet Alvin Garcia. Pinamumunuan ni Alvin ang lokal na partidong Kugi Uswag Sugbo (Progress for Cebu) o Kusog na kaalyado ng One Cebu. Bukod kay Alvin, sinasabing mas pabor si Winston Garcia, presidente ng Government Service Insurance System (GSIS), at kapatid ni Gov Garcia, na suportahan si Villar kaysa kay Teodoro. - GMANews.TV