Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ma. Venus Raj wants her beauty queen title back without any condition


Nagpahayag si Ma Venus Raj na nais niyang mabawi ang tinanggal na korona sa kanya bilang Binibining Pilipinas Universe nang walang anumang kondisyon na itinatakda ang organizer ng beauty pageant. Sa ulat ni entertainment reporter Audrey Carampel, sinabi nito na hindi raw kontento si Venus sa naging desisyon ng Binibining Pilipinas Charity Inc. (BPCI), na ibabalik sa kanya ang korona kapag nakakuha na siya ng balidong Philippine passport. Inalis kay Venus ang napanalunang titulo nitong Marso dahil sa hindi umano magkakatugmang impormasyon sa kanyang birth record. “Sa tingin ko right ko naman talaga na ibalik sa akin yung korona kasi unang-una wala naman kaming nakikitang ground na pag-dethroned sa akin. Ang sa amin din po ang pag-reinstate sana po is i-reinstate muna sana bago po kumuha ng Philippines passport," ayon kay Venus sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nagpadala na raw ng sulat ang abogado ni Venus sa BPCI tungkol sa usapin ng pagbabalik ng korona, at hinihiling din nila na linisin ang pangalan ng beauty queen. Nais ng kampo ni Venus na burahin ang alegasyon sa kanya ng “misrepresentation." Nanindigan si Venues hindi siya nagsinungaling tungkol sa detalye ng kanyang birth record kaya hindi siya dapat akusahan ng “misrepresentation." “Ang hirap naman po na ikaw yung magko-compete sa Miss Universe pero alam ng ibang tao, lalong lalo na kung saan gaganapin yung pageant tapos parang may doubt sila sa akin. Lalong-lalo na po ako parang nandito ba ako dahil naawa lang sila sa akin," pahayag ni Venus. Ayon naman sa abogado ni Venus na si Atty. Teodoro Pastrana, pinag-iisipan pa nila kung magsasampa ng kaso laban sa BPCI. Nakahanda raw ang kanilang kampo sa anumang mangyayari ngunit hindi nila nais na humantong pa ito sa ganuong sitwasyon. Sinabi ni Pastrana ang pangunahing layunin nila ay maresolba ang usapin at malinis ang pangalan ng kanyang kliyenteng si Venus. Samantala, hinihintay pa ng GMA News ang opisyal na pahayag ng BPCI tungkol sa naging posisyon ng kampo ni Venus. - FRJ, GMANews.TV