Filtered By: Topstories
News

Noynoy: Political ‘rejects’ nasa NP; Remulla: 'Architect' of poverty nasa LP


Nagpasaringan muli ang Nacionalista Party at Liberal Party (LP) kaugnay sa paglipat ng partido ng mga dating kasapi ng administrasyong Lakas-Kampi-CMD. Ayon kay LP presidential candidate Sen Benigno “Noynoy" Aquino III, sinasalo lang ng NP ni Sen Manny Villar ang mga pulitikong tinanggihan nila. Ang pahayag ay ginawa ni Aquino makaraang bumuwelta si Villar at akusahan ang LP na tunay na kaalyado ng administrasyon matapos malantad ang pagkuha ng LP kay Albay Gov. Joey Salceda, paboritong economic adviser ni Pangulong Gloria Arroyo. Naunang inakusahan ng LP na secret candidate ni Arroyo si Villar dahil sa paglipat sa NP ng mga dating kasapi ng Lakas-Kampi-CMD na karamihan ay gobernador sa ilang lalawigan. "Itong paglipat ni Gov Salceda ay talagang para itong vindication sa amin at ito ang pinakamaganda, pinakamalakas na pruweba, na kung merong dapat tayong hinalaan, ito ang relasyon ni Pangulong Arroyo at Noynoy Aquino," ayon kay Villar. Ngunit hirit ni Aquino, maraming taga-Lakas ang lumapit sa LP ngunit tinanggihan nila at napunta sa NP. Ilan sa mga gobernador na dating kaalyado ng Lakas na lumipat ng suporta kay Villar ay sina Robert Ace Barbers (Surigao del Norte); Jose Zubiri (Bukidnon); Douglas Cagas (Davao del Sur) ; Rodolfo del Rosario (Davao del Norte); Arthur Chiongkee Uy (Compostela Valley); Corazon Malanyaon (Davao Oriental); at Chavit Singson (dating goberrnador ng Ilocos Sur). Maliban naman kay Salceda, ilang dating kasapi ng Lakas na lumipat sa LP ay sina Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales III; Caloocan City Mayor Enrico Echiverri; Quezon City Mayor Feliciano Belmonte.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV "Maliwanag ho sa akin, may mga lumapit sa’ming kasama na nila ngayon," ayon kay Aquino. "Nung na-reject namin pumunta sa kanila (NP)." Nang tanungin kung sino ang mga tinanggihan nila na lumipat sa NP, sagot ni Aquino: "Sabi ng nanay ko (dating pangulong Cory Aquino) kung wala kang masabing maganda sa isang tao huwag ka na lang magsalita." May standard daw Iginiit pa ng manok ng LP na hindi umano pumasa sa itinatakdang “standard" ang mga tinanggihan nilang pulitiko. "Sa kabila (NP) parang lahat lang ata tinatanggap e," pasaring ni Aquino. Nagbabala naman ni NP spokesman at senatorial candidate Gilbert Remulla na walang dapat asahang mababago sa ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ni Aquino dahil nasa LP ang economic advisers ni Arroyo kabilang sina Salceda at dating Sen Ralph Recto. Si Recto, dating pinuno ng National Economic Development Authority (NEDA) ang nagsulong na itaas sa 12 percent and dating 10 percent na singil sa value added tax (VAT). Iginiit ni Remulla na ang nararanasang kahirapan umano ng bansa at pagtaas ng singil sa buwis, bukod pa sa tinatayang P300 bilyong budget deficit sa 2010, ay kagagawan ng mga payo at diskarte ng mga dating taga-Lakas na kasama na ngayon ni Aquino. “Mga architect ng poverty under Arroyo administration ang dating Lakas na nasa LP ni Aquino," pahayag ni Remulla. - GMANews.TV