Filtered By: Topstories
News

Sa pagkamatay ni Sanchez: Vilma Santos tigil muna sa kampanya


Pansamantalang itinigil ni reelectionist Batangas Governor Vilma Santos-Recto nitong Miyerkules ang kampanya bilang pagrespeto umano sa pagpanaw ng kanyang karibal sa pulitika at dating gobernador ng lalawigan na si Armand Sanchez. Samantala, inihayag ng isang opisyal ng Commission on Elections na hindi basta maaaring ipalit ang asawa ni Sanchez na si Sto Tomas Mayor Edna Sanchez bilang kandidato ng Nacionalista Party (NP) sa posisyon ng gobernador. Ayon kay Santos-Recto, hindi niya masisikmura na ipagpatuloy ang pangangampanya habang nagluluksa ang pamilya Sanchez. May 11-araw na lamang ang nalalabi sa kampanya para sa gaganaping halalan sa Mayo 10. Sinabi ng gobernadora na dapat isang-tabi muna ang pulitika sa biglang pagkawala ni Sanchez. Hindi pa umano niya alam ang magiging plano sa kanyang kampanya basta’t ipagpapaliban na muna niya ito. Pumanaw si Sanchez, 57, nitong Martes ng gabi dahil sa pagdurugo ng utak. Isinugod ang dating gobernador sa ospital nitong Lunes ng tanghali makaraang mawalan ng malay habang nagpapahinga matapos mangampanya. Hinihinalang na-heatstroke si Sanchez bunga matinding init ng panahon noong Lunes. Nakalagak ang mga labi ni Sanchez sa kanyang farm sa Sto. Tomas, Batangas. Sinabi Santos-Recto na handa siyang dalhin ang mga labi ni Sanchez sa kapitolyo para mabigyan ng huling respeto bilang dating gobernador ng lalawigan. Iniutos na rin umano ng actress-politician na ilagay sa half-staff ang bandila sa kapitolyo bilang tanda ng pagluluksa. Bilang dating gobernador na nagsilbi sa bayan, sinabi ni Santos-Recto na nararapat lang na bigyan ng huling respeto si Sanchez. Bago naging gobernador ng Batangas noong 2004-2007, naging alkalde rin ng Sto. Tomas si Sanchez noong 1998-2004. Natalo siya kay Santos-Recto noong 2007 elections. Noong 2006, malubhang nasugatan si Sanchez sa ginawang pagbomba sa kanyang sasakyan na nakaparada malapit sa kapitolyo. Dalawang tauhan ni Sanchez ang nasawi sa naturang pag-atake na itinuturong kagagawan ng bayaw ni Santos-Recto na si dating Batangas vice governor Richard "Ricky" Recto. Mariing itinanggi ni Ricky Recto ang paratang pero pinaghahanap siya ng mga awtoridad dahil sa naturang kaso.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Baka ‘di puwede ang asawa Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi Comelec spokesman James Jimenez na maaari lamang palitan ang isang kandidato kung ang papalit sa kanyang posisyon ay miyembro ng partido. Bagaman kasapi rin ng NP ang asawa ni Sanchez na si Mayor Edna, kandidato rin siya ngayon bilang reelectionist mayor ng Sto Tomas at posibleng magkaroon ng bakante kung iiwan nito ang kanyang puwesto. "Whoever is fit to substitute for them can run on behalf of him (but)... you cannot change positions anymore, this will leave a vacancy. The substitute should (also) come from the same party or coalition," paliwanag ni Jimenez. Una rito, inihayag ng NP na hindi pa nila natatalakay kung sino ang posibleng ipalit kay Sanchez bagaman ikinukonsidera nila ang asawa nitong si Edna. Ang running mate ni Sanchez bilang bise gobernador na si Edwin Ramos Ermita, ay nasa listahan bilang kandidato ng Lakas-Kampi-CMD. Makakalaban niya si incumbent vice-governor Jose Antonio Leviste, na katambal ni Santos-Recto sa Liberal Party. Sa pagkawala ni Sanchez, natitirang kalaban ni Santos-Recto sa puwesto ng gobernador ang mga independent candidate na sina Marcos Millares Mandanas at Gaudioso Ortilla Platero. – GMANews.TV