Filtered By: Topstories
News

Erap tutol, Mikey pabor kay Davide sa Truth Commission


MANILA – Inihayag ni dating Pangulong Joseph Estrada nitong Miyerkules na hindi siya pabor sa naging desisyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na italaga si dating Supreme Court chief justice Hilario Davide Jr. bilang pinuno ng Truth Commission. Ang naturang komisyon ang magsisiyasat sa mga kontrobersiyal na transaksiyon na pinasok ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kinatawan na ngayon ng ng second district ng Pampanga sa Kamara de Representantes. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo nitong Miyerkules, sinabi ni Estrada na hindi magandang desisyon na ilagay si Davide sa ahensiyang magsisiyasat kay Arroyo dahil naglingkod ang dating mahistrado sa liderato ng huli. Sinabi ng dating pangulo na hindi mapagkakatiwalaan na magiging patas si Davide sa gagawing imbestigasyon dahil may utang na loob umano ang dating pinuno ng SC kay Arroyo. Matatandaan na itinalaga ni Arroyo si Davide bilang kinatawan ng Pilipinas sa United Nations (UN) nang magretiro ang dating mahistrado sa SC. Nagbitiw si Davide bilang kinatawan ng Pilipinas sa UN nitong panahon ng kampanya para tulungan ang kandidatura ng anak na tumakbong gobernador sa Cebu sa ilalim ng Partido Liberal ni Aquino. (Basahin: Nagpanumpa kay Arroyo noong 2001: Davide napili para sa ‘Truth Commission’) Inakusahan din ni Estrada na bahagi si Davide sa ilegal na pagpapatalsik umano sa kanya noong 2001 batay sa naging pasya ng SC na nagbitiw siya sa Malacanang, at naging daan para panumpain nito si Arroyo bilang bagong pangulo ng Pilipinas. Welcome kay Mikey Samantala, sinabi ni dating Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo, anak ni Gng Arroyo, na magandang desisyon ang paghirang kay Davide na pamunuan ang Truth Commission upang magkaroon na umano ng wakas ang mga alegasyon laban sa liderato ng kanyang ina. “I welcome the appointment of former Chief Justice Davide as head of the Truth Commission to investigate the NBN-ZTE issue. With his impeccable background and given his renowned objectivity in handling issues however controversial they are, I am highly optimistic that the Truth Commission, under CJ Davide's helm, would come out with the most objective conclusion to the NBN-ZTE saga, clearing all those wrongfully accused by those who used the GMA Administration as their jumping board for their political objectives," ayon sa nakababatang Arroyo. Umaasa din ang dating kongresista na igagalang ng publiko ang anumang magiging desisyon ng komisyon lalo na kapag napatunayang walang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanila. “I am also optimistic that when the Truth Commission hands down its verdict on the issue, my family would come out clean and vindicated. I just pray that if ever that happens, our critics would honor and respect the Commission's findings and put the case to rest," pahayag ni Arroyo. - GMANews.TV