Filtered by: Showbiz
Showbiz

James Yap to wife Kris: ‘Ngayon pa ba tayo susuko?’


Makaraang ideklara ni Kris Aquino na tapos na para sa kanya ang relasyon nila ni James Yap, inihayag naman ngayon ng basketball star na nais niyang mapanatiling buo ang kanilang pamilya. Sa ipinadalang pahayag sa media ni James nitong Huwebes, sinabi nito na nagbitiw siya ng pangako sa pumanaw na biyenan na si dating Pangulong Cory Aquino, ina ni Kris, na hindi niya pababayaan ang kanyang pamilya. “At isa pa, nangako ako kay Mom Cory na hindi ko pababayaan ang pamilya namin. Na-aalagaan ko si Kris, si Josh at si Baby James. Nangako rin kami ni Kris sa harap ni Mom Cory na hindi kami maghihiwalay," pahayag ng basketball star. Sinabi pa niya na pinili niyang manahimik mula nang kumalat ang ulat tungkol sa pagkakaroon nila ng hindi pagkakaunawaan ni Kris dahil nais niya itong panatilihing pribado.


Alam ko walang pamilyang hindi dumaan sa ganitong pagsubok. Marami na kaming dinaanang pagsubok ni Kris before and I don’t think na ngayon pa kami susuko."
– James Yap
“Naniniwala ako sa kahalagahan ng pagkakaroon ng buo ang pamilya. Kaya ipaglalaban ko na mapanatiling buo ang pamilya namin ni Kris anuman ang mangyari," ayon kay James. “Alam ko walang pamilyang hindi dumaan sa ganitong pagsubok. Marami na kaming dinaanang pagsubok ni Kris before and I don’t think na ngayon pa kami susuko." Humingi rin ng pang-unawa si James si kanyang tatlong-taong-gulang na anak na si Baby James (o Bimby) kaugnay sa pinagdadaang problema ng kanilang pamilya. “Alam kong mahirap para sa anak ko ang nangyayaring ito sa amin ng Mama niya pero alam kong darating ang panahon na maiintindihan niya ang situwasyon. May tamang oras at panahon ang lahat," patuloy ni James. Absent sa inauguration ni P.Noy Nilinaw din ni James na pinili niyang huwag dumalo sa inagurasyon ng kanyang bayaw na si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III upang hindi na makadagdag sa mga problema ng bansa na kakaharapin nito. Bago ang inagurasyon, sinabi ni James na pupunta siya sa gagawing panunumpa ng bayaw kahit nagbigay pa ng pahayag si Kris na suko na siya sa relasyon nilang mag-asawa. “Marami nang lumabas na mga balita at mas pinili ko na manahimik muna bilang paggalang sa ating bagong Presidente Noynoy Aquino," aniya. “May nagtatanong din tungkol sa hindi ko pagsipot sa inauguration ni President Noynoy Aquino. Nagkausap kami at nag-text ako kay President Noynoy at naiintindihan niya ako." Matapos ang inagurasyon nitong Miyerkules, nilinaw ni Kris na hindi niya pinagbawalan ang mister na pumunta sa makasaysayang okasyon sa Quirino Grandstand sa Maynila. Bagong pagsubok Sinabi ni James na ang kinakaharap nilang problema ngayon na mag-asawa ay isa lamang sa mga pagsubok na pinagdaanan nila pero nagawa nilang malampasan kaya umabot sa halos anim na taon ang kanilang pagsasama. “Kris, marami na tayong pinagdaanan na mas mabigat na problema pa rito pero hindi talaga ako bumitaw. Nanahimik ako palagi bilang respeto sa pamilya natin na hanggang sa ngayon ay gusto ko pa ring manatiling buo," ayon kay James. “Mahal na mahal ko kayo ng anak ko, pati na si Josh na tunay na anak na ang turing ko." Sa huli, nagbigay ng matibay na desisyon si James na ipaglalaban ang kanyang pamilya: “Inuulit ko, it’s final, ipaglalaban ko ang pagsasama ng pamilya natin. At sa tulong ng Diyos, alam kong malalampasan natin ang pagsubok na ito!" - FRJimenez, GMANews.TV