Filtered by: Topstories
News

Pagpaparehistro para sa Brgy elections muling inusog ng Comelec


MANILA – Sa ikalawang pagkakataon, inusog muli ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapatala para sa barangay elections na itinakda na sa Agosto 4 hanggang 13. Sa ipinalabas na Comelec Resolution 9007 na ipinalabas nitong Hulyo 24, idinahilan ang pagsasanay ng mga filed personnel upang iatras ang panahon ng pagpapatala para sa barangay elections na nakatakdang idaos sa darating na Oktubre 25. Ipinaliwanag sa resolusyon ng Comelec na kailangang sanayin pa ang kanilang mga tauhan sa paggamit ng mas pinahusay na Data Capturing Machines (DCMs). Ang DCMs ang ginagamit sa pagkuha ng impormasyon ng mga magpapatalang botante. Naunang itinakda ng Comelec ang pagpaparehistro para sa barangay elections noong Hulyo 1 hanggang 31, pero inusog sa Agosto 1 hanggang 10. Ang mga magpapatala para sa barangay elections ay kailangang residente sa Pilipinas ng hindi bababa sa isang taon, residente sa bobotohang barangay ng hindi bababa sa anim na buwan, Filipino citizen, at 18-anyos pataas. Maaaring silang magparehistro mula 8 a.m. hanggang 7 p.m., Lunes hanggang Linggo sa tanggapan ng Office of the Election Officer sa lungsod o munisipalidad na kanilang tinitirhan. Samantala, ang pagpapatala para sa kasabay na Sangguniang Kabataan (SK) elections ay gagawin sa Agosto 6 hanggang 15. Kailangang residente ng kanyang barangay ang botante ng hindi bababa ng anim na buwan, Filipino citizen, at may edad na 15 hanggang 17. Ang mga magpapatala ay dapat magdala ng mga dokumento katulad ng birth certificate, baptismal certificate, school records, or anumang dokumento na magpapatunay sa kanyang pagkatao. Hindi naman kikilalanin ang community tax certificates o cedulas, o sertipikasyon mula sa Barangay. Nakabinbin naman sa Kongreso ang mga panukalang batas na nagmumungkahing gawin na lamang sa Oktubre 2012 ang Barangay at SK elections para makatipid ang gobyerno sa gastusin ngayon taon. Inihayag ng Comelec na aabot sa P3.2 bilyon ang gugugulin ng pamahalaan para sa sabay na halalan na gagawin sa darating na Oktubre 25. - GMANews.TV
LOADING CONTENT