Filtered By: Topstories
News

Pagtutol ng CBCP sa RH bill lalong tumindi dahil sa mungkahing legal abortion


MANILA – Lalong pinatindi ng Simbahang Katoliko ang pagkontrata sa kontrobersiyal na reproductive health bill matapos may magmungkahi na gawing legal ang aborsiyon o paglaglag ng sanggol sa sinapupunan. Iginiit ni Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, na walang puwang ang aborsiyon sa Pilipinas dahil hindi ito pinapahintulutan ng Saligang Batas. “It is against our Constitution. Secondly, ipinapakita ng panukala na ‘yan what we were saying all along that behind the reproductive health and reproductive rights is abortion," ayon kay Castro sa panayam ng Radio Veritas. Una rito, nanawagan si Atty. Clara Rita Padilla, Executive Director ng EnGendeRights, na gawing legal ang pagpapalaglag sa bansa kasunod ng paglabas ng isang ulat tungkol sa tumataas na bilang ng mga nagpapa-abort sa Pilipinas. Batay sa ulat na “Forsaken Lives: The Harmful Impact of the Philippine Criminal Abortion Ban," na inilabas ng New-York-based Center for Reproductive Right, inilarawan nila ang krisis umano sa karapatang pantao dahil sa maternal deaths, injuries, at mga sakit na nakukuha ng mga babae dahil sa aborsiyon. Sa kabila nito, ilang mambabatas ang nagpahayag ng pagtutol na gawing legal ang aborsiyon sa kabila ng kanilang pagsuporta sa reproductive health bill. Aminado naman si Castro na hindi nila mapipigilan ang pagkilos ng mga lobby group na nagsusulong na maipasa ang RH bill. Layunin ng panukala na isulong ng pamahalaan ang programa upang makontrol ang pagdami ng populasyon sa tulong ng mga artipisyal na gamit tulad ng birth control pills at condom. “Lobby groups will always be there. We are instead rallying support for House Bill 13, which is for protecting the life of the unborn beginning at conception," pahayag ni Castro. Sa hiwalay na panayam, iginiit naman ni Baguio Bishop Carlito Cenzon, na hindi sapat na dahilan ang tumataas na bilang ng mga kabataan na nabubuntis para gawing legal ang pagpapalaglag. Tinawag ng Obispo na malaking banta sa kasagraduhan ng buhay ng tao ang mungkahi ng EnGendeRights. Idinagdag naman ni Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na malaking kasalanan sa Diyos ang aborsiyon dahil kinikitil nito ang buhay ng sanggol sa sinapupunan. “Abortion is murder. It kills deliberately the fetus, a human person who has inviolable right to live. Abortion is mortal sin," ayon sa Obispo. - GMANews.TV