Filtered by: Topstories
News
Enrile pabor ding ipagpaliban ang barangay, SK elections
MANILA – Inihayag ni Senate President Juan Ponce Enrile nitong Martes na siya man ay pabor na ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakdang gawin sa darating na Oktubre 25. Tulad ni Speaker Feliciano Belmonte, payag si Enrile na iurong ng isang taon ang halalan upang magamit sa ibang makabuluhang bagay ang inilaang pondo sa barangay at SK elections na mahigit P3 bilyon. “Ang problema natin, we have too many elections. So, I think we have to study the possibility of postponing it, maybe up to December next year. Kung ako lang ha, pero I will defer to the wishes of the political groups," ayon sa lider ng Senado. Sinabi naman ni Sen. Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr., chairman ng Senate committee on local government, na bibigyan niya ng prayoridad sa komite ang pagdinig sa panukalang batas na hanapan ng ibang petya ang barangay at SK elections. “Mayroong nagkakaisang kagustuhan ang halos lahat ng opisyal ng pamahalaang lokal mula sa mga gobernador, alkalde ng lungsod at munisipalidad na ipagpaliban ang halalan sa barangay," ayon sa senador. Sinabi ni Marcos na nagbigay na ng pahayag ang iba’t ibang samahan sa lokal na pamahalaan tungkol sa pagpapaliban ng halalan. Kabilang umano sa nagpadala ng kanilang posisyon ay ang Governor’s League of the Philippines, League of Cities of the Philippines, at League of Municipalities of the Philippines at Union of Local Authorities of the Philippines. Sa kabila nito, wala pang opisyal na posisyon ang Malacanang at Department of Local and Interior Government kung susuportahan ang pagpapaliban ng halalan. “Posisyon ng halos lahat ng local official na ipagpaliban ang eleksiyon. Pero hindi kasama dito ang SK, kaya kakailangan natin ng batas upang maipagpaliban ito na siyang unang gagawin ng ating komite," paliwanag ni Marcos. Idinagdag ni Marcos na ang pinakamatibay na katwiran para ipagpaliban ang barangay at Sk elections ay ang malaking pondo na matitipid ng pamahalaan para magamit sa mga programang makatutulong sa mga tao. Nauna nang nagpahayag ng pagpabor si Sen. Juan Miguel Zubiri na ipagpaliban ang halalan, pero mahigpit naman itong tinutulan ng beteranong si Sen. Joker Arroyo. Iginiit ni Arroyo na dapat matuloy ang halalan dahil bukod sa ito ang nakatakda sa batas, mayroong ng pondong nakalaan na para sa naturang aktibidad. Sinabi naman si Sen. Francis Escudero na susuportahan niya na ipagpaliban ng isang taon ang halalan kung ito ang lilitaw na kagustuhan ng mas nakararami. Gayunman, tutol siya na isabay ang barangay at SK election sa midterm elections na gagawin sa 2013 dahil magdudulot ito ng kaguluhan sa lokal na halalan. May hiwalay na panukalang batas na inihain sa Kamara de Representantes na gawin ang halalan sa 2012. - GMANews.TV
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
More Videos
Most Popular