Filtered by: Topstories
News

Lider ng Kamara pabor na ipagpaliban ang barangay, SK polls


MANILA – Inihayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na pabor siyang ipagpaliban ng isang taon ang nakatakdang halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa darating na Oktubre 25. Sa panayam ng media nitong Huwebes ng gabi, nilinaw ni Belmonte na personal niyang posisyon ang pagsuporta na iurong ng isang taon ang halalan. Hahayaan umano niya ang mga kasapi ng koalisyon sa mayorya na magdesisyon tungkol dito. “Sa tingin ko a one year extension is reasonable. A three-year extension of course is crazy," ayon kay Belmonte, dating alkalde ng Quezon City. Kasama sa koalisyon ng mayorya ang mga kasapi ng Liberal Party, Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party, Laban ng Demokratikong Pilipino, Partido ng Masang Pilipino (PMP), party-list groups, at ilang kasapi ng Lakas-Kampi-Christian Muslim Democrats. “I think I would rather just toss it to the House without any party stand and let the majority of the House make a decision on it. But as I said everybody has an opinion on it and we'll just find out what is the majority opinion is," paliwanag niya. Idinahilan ni Belmonte ang problemang pampinansiyal ng pamahalaan kaya pabor siyang ipagpaliban muna ang halalan na nakatakdang ganapin sa Oktubre 25. Una rito, inihayag ng Commission on Elections na aabutin sa mahigit P3 bilyon ang pondong kakailanganin sa barangay at SK elections. Nanawagan na ang Comelec sa mga mambabatas na magpasya kung itutuloy o hindi ang halalan. Ilang ulit na ring ipinagpaliban ng Comelec ang panahon para sa pagpapatala ng mga boboto sa mga opisyal ng barangay. “I’m not really trying to do this to benefit any of the incumbents or anything. Ang nakikita ko lang eh it's too close to the past elections and the coffers are not exactly in the best of condition and so forth. And there is hardly any harm to postponing it for a year," ayon kay Belmonte. Bago nito, isinusulong ng minorya ang panukalang batas na inihain ni House Minority leader Edcel Lagman na iurong ang barangay at SK elections sa 2012. Sinabi ni Lagman na ang pondong matitipid sa pagkansela ng halalan na tinatayang aabot sa P3.2 bilyon ay makabubuting gamitin na lamang ng Aquino administration sa mga makabuluhang programa at proyekto. - GMANews.TV
LOADING CONTENT