Filtered By: Topstories
News

Mungkahing gawing legal ang jueteng pinalagan


MANILA – Hindi umano dapat ikonsidera ng pamahalaan ang mga naunang mungkahi na gawing legal ang jueteng dahil lamang sa hindi ito kayang masugpuin. Sinabi ni Tagbilaran Bishop Leonardo Mendroso, na higit sa kikitain sa jueteng ay mas dapat bigyang halaga ang masamang idudulot nito sa mga Pilipino. “Isalegal ang isang hindi magandang gawain ay hindi gagawa ng maganda. Our human law not necessarily make morality. Ang dapat gawin, we really have to follow ang morality," pahayag ng obispo sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules. Idinagdag ni Mendroso na hindi dapat paasahin ang publiko na makakamit nila ang ginhawa sa pamamagitan ng pagtaya sa sugal dahil nakasisira ito ng paninindigan ng tao. Una rito, muling binuhay ni Senador Jinggoy Estrada ang mungkahi na gawing legal ang jueteng upang mapakinabangan ng gobyerno ang kita at mabigyan ng lehitimong trabaho ang mga nasa likod nito gaya ng mga kubrador. Sa hiwalay na panayam ng naturang himpilan ng radyo, sinabi ni Fr. Rey Evangelista ng Diocese ng Boac, Marinduque, na hindi dapat hinihikayat ang mga tao na magsugal. “Hindi dapat hinihikayat ang mga tao na magsugal, game of chance. Sa halip turuan ang tao na magsikap, magbigay ng direct program ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Hindi dapat nakatutok at nagrerely sa gambling kasi walang patutunguhan ang gambling," pahayag niya. Sinuportahan din ni Evangelista ang paninindigan ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na hindi mawawala ang katiwalian kahit sa bagong administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kung may mga opisyal na patuloy na tumantanggap ng suhol gaya ng jueteng payola. Kasabay nito, suportado ng dalawa ang pananaw ni Cruz na huwag dumalo sa mga bagong pagdinig ng Kongreso tungkol jueteng dahil wala rin naman nangyari sa mga imbestigasyon na naunang ginawa. “Hindi naman kailangan (dumalo sa pagdinig). Pero kung may trial sa court yun punta siya (Cruz) doon as a witness. Pero hindi sa Senate kasi wala ng mangyari diyan," ayon sa obispo. – MP, GMANews.TV