Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cariño clan of Baguio-Benguet denies Robin Padilla as kin


Matapos kumpirmahin ang kasal nila ni Mariel Rodriguez sa India sa ilalim ng Muslim ceremony, itinanggi naman ngayon mga Cariño sa Baguio-Benguet na kamag-anak nila ang action star na si Robin Padilla. Sa ulat ni entertainment reporter Nelson Canlas nitong Miyerkules, inihayag ng mga Cariño sa Baguio na wala sa kanilang family tree ang pangalan ng ina ni Robin na si Eva Cariño-Padilla. Una rito, sinabing isang Ibaloi si Gng Cariño kaya nagkaroon ng Ibaloi ritual kina Robin at Mariel noong Setyembre 13 na inakalang seremonya para sa kasal ng dalawa. Napag-alaman na umakyat ng Baguio si Robin kasama ang kapatid na si Rommel noong July 4 upang hanapin ang iba pa nilang kamag-anak doon. Nakaharap naman ng aktor ang angkan ng mga Cariño doon ngunit hindi nila napatunayan may kaugnayan sila sa mga ito.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Jack Cariño, hindi pa naman nila tuluyang isinasara ang posibilidad na kamag-anak nila si Robin ngunit kailangang makakita sila ng katibayan. Sa kabila nito, ginawa munang “honorary cousin" ng mga Cariño ang action star. “Sinabi namin na as of now tinatanggap ka namin as honorary cousin kaya dahil siguro diyan, he took the liberties na parang sinasabing na relatives namin siya," pahayag ni Jack sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. Paglilinaw din ni Jack, hindi seremonya ng kasal ang nangyari sa Ibaloi rites nina Robin at Mariel kundi pagbasbas lamang sa mga nais mapalapit sa angkan. Inihayag din ng isang kamag-anak ni Robin sa Baguio na sila ang nagplano sa seremonya at hindi raw ito alam mismo ng aktor. Matatandaan na naging kontrobersiyal ang nangyaring Ibaloi ritual dahil kinapalooban ito ng pagkatay ng baboy at pagpahid ng dugo sa katawan ni Robin na nagpa-convert sa relihyon ng Islam. Nitong Martes ay isiniwalat ni Robin na ikinasal na sila ni Mariel sa India noong Agosto 19 sa ilalim ng Muslim rites. Kasabay nito ay nanindigan ang aktor na wala silang nilapastangang rehiyon at hindi sa kanila nanggaling ang balitang at larawan na may naganap na kasalan sa Baguio. - FRJimenez, GMANews.TV