Filtered By: Showbiz
Showbiz

Patrick Dela Rosa alleged rape victim vows to pursue case


Nananatiling tahimik ang actor-turned politician na si Patrick Dela Rosa sa kasong rape na isinampa laban sa kanya. Pero ang kanya umanong biktima, desididong ituloy ang kaso at makulong ang dating aktor. Sa showbiz talk show na Startalk nitong Sabado, nagsalita ang nag-akusa kay Patrick na nais niyang makulong at mabigyan ng leksiyon ang dating aktor at kasalukuyang board member ng Oriental Mindoro. “Hanggang dulo talagang ilalaban ko ‘to dahil lahat naman na nabiktima ng ganito gusto nila makulong yung mga nagkasala ‘di ba? Ganun din ako, gusto kong makulong si Patrick, pagdusahan niya, na matututo rin siya," ayon sa 20-year-old na umano’y rape victim. Batay sa mga naunang ulat, sinabi ng biktima na nag-iinuman sila ng kanyang mga kaibigan sa isang condominium sa Cubao, Quezon City nang dumating at makisali sa kanilang kasiyahan si dela Rosa at isa pa nitong kasamang lalaki. Matapos ang inuman, nakatulog umano ang biktima dakong 1:00 a.m. ng Biyernes. Kasunod nito ay bigla siyang nagising na walang saplot sa katawan at nasa “ibabaw" na umano niya si Dela Rosa. Kaagad umano siyang nagsisigaw at sinampal ang dating aktor. Sumaklolo naman sa biktima ang dalawa niyang kaibigan habang nakita niyang nakabihis na si Dela Rosa. Nananatiling nakakulong si Patrick sa Police Station 7 sa Quezon City dahil walang piyansa na inirekomenda ang piskalya. Pakiusap ng kampo ni Patrick Ayon sa abogado ni Patrick na si Atty Romeo Gonzales, nais muna nilang makausap ang lahat ng testigo bago maglalabas ng pahayag o affidavit ang kanyang kliyente. “Gusto namin na bago kami gumawa ng sagot o gawan ng affidavit si Patrick, kailangang makausap namin yung mga testigo. Kasi nung maganap yun, napakaraming bisita, birthday party yun," paliwanag ni Gonzales. Nang kamustahin kay Gonzales ang dating aktor, sinabi nito na nakararamdam ng awa sa sarili ang kliyente niya dahil mistulang nahusgahan agad ito bunga ng mga naglabasang ulat sa media. “Parati siyang nagtatago dun sa kanyang selda na napakaliit, napakainit dahil sa naawa siya sa sarili niya. Tapos hinusgahan na siya, nagkaroon na ng trial by publicity," pahayag ng abogado sabay paalala na sa ilalim ng batas ay nanatiling inosente ang akusado hanggat hindi napapatunay sa korte. Pakiusap pa ni Gonzales: “Igalang naman natin ang kanyang karapatan. Ito ay isang private crime na tinatawag natin sa batas…na hindi naman siguro tama na pilitin na kunan siya (ng pahayag). Sana hintayin natin na ‘pag nagkaroon ng pagdinig sa kaso, mabigyan naman si Patrick ng oras para masabi niya kung ano talaga ang toong nangyari." Dahil inaasahan nilang maghahain ng petisyon para makapagpiyansa si Patrick, sinabi ng abogado ng biktima na si Atty Freddie Villamor, na magpipresinta sila ng kanilang ebidensiya sa korte para hindi makalaya ang dating aktor. - Fidel R Jimenez, GMANews.TV

LOADING CONTENT