Filtered By: Showbiz
Showbiz

Liz Uy mum about rumored romantic relationship with Noynoy


Hindi pa man nababalita noon ang hiwalayan nina Pangulong Noynoy Aquino at Valenzuela councilor Shalani Soledad, nauugnay na sa bachelor president ang kanyang stylist na si Liz Uy. Sa isang event sa Cebu, nakausap ng GMA News si Liz at pilit siyang hiningan ng komento sa patuloy na pagkakaugnay ng kanyang pangalan kay Noynoy. Ngunit sa ulat ni entertainment reporter Nelson Canlas sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi nito na magalang na tumangging magkomento ang chinitang stylist at best friend ni presidential sister Kris Aquino. Maging ang Kapuso host na si Raymund Gutierrez na kaibigan din ni Liz ay tumangging magbigay ng komento kung ano talaga ang real score kina Noynoy at Liz. Bukod kay Liz, nali-link din ang 50-anyos na binatang pangulo sa isang Barbie Paragos at television reporter na si Patricia Ann Roque.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa isang panayam sa kapatid ni PNoy na si Ballsy Aquino-Cruz, napuna nito na mas bata ang mga babae na nauugnay sa pangulo. “Nung bago siyang maging pangulo e tinatanong niya sa amin ano bang mga usam… si Kris (Aquino) ang natatanong namin dahil yung mga nilalabas niya (Noynoy) mas nalalapit sa age ni Kris, ngayon nalalapit na sa age ng mga pamangkin niya," nakangiting kuwento ni Ballsy kay GMA News reporter Sherrie Ann Torres sa Chika Minute nitong Martes. Sa ulat ni Canlas, sinabi umano ni Liz na hindi ito naapektuhan sa mga naglalabasang isyu na romantikong nag-uugnay sa kanya sa pangulo. Ngunit ayaw raw ni Liz na patulan ang isyu dahil hindi siya sanay na naging sentro ng atensiyon. Bukod pa rito, high profile din ang mga taong involve. Matatandaan na matapos malathala sa media ang larawan ni Aquino kasama ang babae na hinihinalang si Barbie, sinabi ng pangulo sa media na hindi na siguro niya makikita muli ang babae dahil ayaw nitong maging sentro ng atensiyon. - Fidel Romio Jimenez, GMANews.TV