Filtered By: Topstories
News

‘Katring’ nakapasok na sa teritoryo ng Pinas


MANILA – Hindi pa man nakababangon ang mga sinalanta ng bagyong “Juan" sa hilagang Luzon, may panibagong bagyo (“Katring") ang pumasok sa teritoryo ng Pilipinas. Sa ulat na ipinalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 5 pm nitong Sabado, sinabing posibleng magdulot ng pag-ulan si “Katrina" sa timog-kanluran ng Luzon at Visayas sa darating mga araw. Si Katring, ika-11 bagyo na dumayo sa Pilipinas, ay namataan sa 1,320 kilomentro sa Gitnang Luzon. Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 55 kph malapit sa gitna, at kumikilos sa kanluran timog-kanluran sa bilis na 15 kph. Nilinaw naman ng PAGASA na ang nararanasang pag-ulan sa Metro Manila ay hindi dahil kay "Katring" kundi dulot ng mga naiwang kaulapan ni “Juan." Sinabi ni Chris Perez, weather forecaster ng PAGASA, na may posibilidad na hindi tumama sa kalupaan ng Pilipinas, at sa halip ay direktang tahakin ang bansang Japan. “Kapag nagtuloy-tuloy ang ganitong forecast scenario, hindi pa rin po natin inaasahang tuluyang tatama ng anumang bahagi ng ating bansa si Katring," pahayag ni Perez sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Sabado. Gayunman, posible pa rin umanong magdulot ng kalat-kalat na pag-ulan si "Katring" sa timog-kanlurang bahagi ng Luzon at maging sa Visayas region. “Posible ‘yung ilang areas ng western section ng southern Luzon at Visayas ay maapektuhan ng bagyong si Katring. Depende pa po ‘yan kung patuloy pa itong lalakas," ayon kay Perez. Una rito, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na umabot sa 26 katao ang iniwang patay ng bagyong "Juan." Bukod pa rito ang 37 tao na nasaktan at apat pa ang nawawala. – GMANews.TV