Filtered By: Topstories
News

May pasok sa November 2 — Ochoa


MANILA – Hindi idedeklarang holiday ng Malacanang ang Nobyembre 2 (All Soul’s Day) na pumatak sa araw ng Martes. Ito ang inihayag sa media ni Executive Secretary Paquito "Jojo" Ochoa Jr. nitong Martes. Kasama si Ochoa ng mga opisyal na naghatid kay Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa Ninoy Aquino International Airport, na lumipad patungong Vietnam upang dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit. Habang wala si Aquino, si Ochoa – itinuturing ‘Little President’ – ang pansamantalang mamamahala sa pagpapatakbo sa Malacanang. Kabilang na rito ang pagpirma sa ilang mga dokumento para sa pangulo, at maging sa pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng Gabinete. Kahit pumatak ang pista opisyal na ‘Undas’ sa araw ng Lunes (Nob 1), at inaasahang marami ang uuwi sa mga lalawigan para bumisita sa puntod ng kanilang yumao, sinabi ni Ochoa na magiging karaniwang araw ang Nob. 2 (Martes). Hindi rin kasama sa listahan ng mga holiday ang Nob 2, sa ipinasang Republic Act 9492 na ipinasa sa nakaraang administrasyong Arroyo. Ang RA 9492 ay bahagi ng tinatawag “holiday economics’ kung saan inililipat sa Lunes o Biyernes ang ilang araw na idineklarang pista opisyal upang magkaroon ng “long weekends." – GMANews.TV