Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris on rumored PNoy-Liz romance: ‘Hindi talaga ako makikialam at hindi ako magsasalita.’


Inihayag ni Kris Aquino na isa sa mga pinakamatalik niyang kaibigan si Liz Uy, ang stylist na romantikong nauugnay ngayon sa kanyang kuya na si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Matapos ang misa na ginawa sa puntod ng kanyang magulang na sina dating pangulong Cory Aquino at dating senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr., nitong Martes sa Manila Memorial Park, nagpaunlak ng maigsing panayam si Kris. Ayon sa kontrobersiyal na television host-actress, hindi siya makikialam kung anuman ang namamagitan ngayon sa kanyang kuya Noy at sa kaibigang si Liz, na dating na-link sa aktor na si John Lloyd Cruz. Para kay Kris, ang mahalaga umano ay maging masaya ang pangulo sa personal nitong buhay dahil makikinabang dito ang buong bansa.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “I’m very close to Liz, she’s one of my best friends," pahayag ni Kris sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. “And I promise Noy because he always reminds me ‘uy bunso ka;’ na huwag daw akong makialam. So hindi talaga ako makikialam at hindi ako magsasalita…kung maligaya ang presidente natin at nasa magandang sitwasyon ang kanyang buhay pag-ibig, o inspirado siya, lahat tayo magbebenefit," idinagdag niya. Nauna nang inihayag ng isang source ng GMANews.TV na si Kris ang nagrekomenda kay Liz sa kanyang kuya Noy na maging stylist simula noong panahon ng kampanya. Bagaman walang umaamin, kumalat ang mga balita na hiwalay na sina PNoy at girlfriend nito na si Valenzuela councilor Shalani Soledad. Nitong nakaraang buwan itinanggi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na nag-date sina PNoy at Liz kaya hindi nakarating ang pangulo sa isang aktibidad na may kaugnayan sa pagsasanay sa kalamidad. Bukod kay Liz, matalik din na kaibigan ni Kris ang komedyante na si Ai Ai delas Alas na pabirong nagpahayag na nais niyang maging First Lady ng bansa at future sister-in-law ni Kris.