Filtered By: Topstories
News

Presyo ng produktong petrolyo tataas pa, ayon sa opisyal ng DOE


MANILA – Pinayuhan ng opisyal ng Department of Energy ang publiko na harapin ang katotohanan na magaganap pa ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga darating na araw. Ayon kay DOE Secretary Jose Rene Almendras, ang nakaambang oil price increase ay dulot pa rin ng pagtaas ng presyo ng krudo sa world market na posibleng umabot sa $100 per barrel. "We have to face reality that a $100 per barrel will happen. All the world is in the direction of preparing for such reality. We have to accept reality that oil is a finite resource, we have to look for alternate energy sources," pahayag ng kalihim. Nitong Linggo, nagdagdag ang mga kumpanya ng langis ng P2 bawat litro sa presyo ng diesel at P1.50 naman bawat litro sa gasolina. Binatikos ng kongresista ang naturang oil price hike na itinaon habang nagdiriwang ang bansa sa panalo ni Sarangani Rep Manny Pacquiao laban sa Mexican na si Antonio Margarito sa US. Idinepensa naman ni Almendras ang halaga ng patong sa presyo ng mga oil companies ay hindi nalalayo sa ginawang komputasyon ng Energy Department. Ang presyo umano ng inangkat na unleaded gasoline ay umabot sa $94.70 per barrel mula sa dating $91.30 per barrel. Ang $3.40 per barrel na pagtaas ay katumbas ng P1.51 per liter increase sa lokal na merkado. Samantala, ang inangkat na diesel ay tumaas sa $100.10 per barrel mula sa dating presyo na $94.90 per barrel. Ang katumbas umano nito ay P2.09 per liter na patong sa presyo sa lokal na merkado. Sinabi ni Almendras na kasama sa ginawa nilang komputasyon ay ang paghina ng piso kontra sa dolyar. Mula sa P42.73 - $1 noong nakaraang linggo, humina ang piso sa P43.44 - $1. "Earlier I explained, what worries me is the fact that diesel went up twice that of crude and all the other products. We did inquire from the international market why such a situation occurred. And the explanation is a significant drawdown in diesel inventories and they're pointing to China," ayon sa opisyal. Umaasa si Almendras na hindi magkakaroon ng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ngunit depende pa rin umano ito sa magiging galaw ng halaga ng krudo sa world market na nangyayari bawat linggo. - GMANews.TV