Filtered By: Topstories
News

Pagbalik ng PCSO sa pamamahala ng Office of the President sinuportahan


MANILA – Kinatigan ni Speaker Feliciano Belmonte Jr ang desisyon ng Malacanang na ibalik sa Office of the President ang pamamahala sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Kasabay nito, sinabi ng lider ng Kamara de Representantes na magandang pag-aralan ang mungkahi na limitahan ang papremyo sa lotto. Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Belmonte na magiging malinaw na ngayon kung sino ang responsable sa pagpapatakbo ng PCSO na isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na kumikita ng malaki sa mga “legal" na sugal partikular ang lotto. “At least malinaw na ngayon who is responsible in the operations of PCSO," ayon sa lider ng Kamara na pumuna sa paglilipat noon na ibigay ang pamamahala nito sa Department of Health. “Let’s face it whether it is under the Department of Health or other agency, at the end of the day yung Office of the President pa rin ang nagpapatakbo nun kahit saan mo ilagay. It’s good at least walang sapin," paliwanag niya. Ayon sa kongresista, dating nasa ilalim ng pamamahala ng OP ang PCSO pero inilipat ito sa Department of Social Welfare and Development noong 2004, at pagkatapos ay sa DOH noong 2005. “DOH was put in there as a ‘sapin’ in some past administration nang may matuturo na sila ang gumawa niyan," ayon kay Belmonte. Bagaman hindi umano maiaalis na posibleng gamitin ng pangulo ang kita sa PCSO bilang pork barrel, naniniwala si Belmonte na hindi ito mangyayari sa liderato ngayon ni Pangulong Benigno Aquino III. “Nasa Presidente yan (kung gagamiting pork barrel ang kita ng PCSO), ako ay naniniwala na ang Presidenteng ito ay hindi gagawin yan," pahayag ng lider. Limit sa jackpot Samantala, sinabi ni Belmonte na masusi niyang pag-aaralan ang mungkahi na limitahan ang jackpot price sa lotto. Ang mungkahi ay ginawa matapos umano sa mahigit P600 milyon ang premyo sa Grand Lotto 6/55 nitong Miyerkules. (Basahin: Premyo sa lotto nais limitahan sa P500M) “You know that really needs some study. Baka umabot pa ng P1 billion ito eh, Ako I think it’s possible that the moment it, gumawa ka ng other fund para instead of starting from scratch again, matagal to eh, make it part of jumpstarting the next pot," ayon kay Belmonte. - GMANews.TV