Filtered By: Topstories
News

Cory govt, iba pang naging pangulo dapat daw paimbestigahan din ni PNoy


MANILA – Inihayag ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko na dapat paimbestigahan din ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang mga katiwalian na naganap sa iba pang nagdaang administrasyon – maging sa kanyang ina na si dating pangulong Corazon Aquino. Sa ganitong paraan, ayon kay Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos, ay maipapakita ni PNoy na hindi lang si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kongresista na ngayon ng Pampanga, ang puntirya ng binubuo niyang Truth Commission. Bagaman naniniwala ang Obispo na hindi ang mga mismong lider na katulad nina dating pangulong Cory, Fidel Ramos o Joseph Estrada, ang nakinabang sa mga katiwalian sa kanilang mga naging administrasyon, iginiit ni Pueblos na dapat ding habulin ang mga alipores ng mga ito na nasangkot sa katiwalian. “Why focused it in just one person, on Arroyo? Why not focused on Ramos, Erap, kay Cory, dahil I believe all president mayroon talaga," pahayag ng Obispo sa panayam ng Veritas Radio nitong Huwebes. Sinuportahan ni Pueblos ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang Executive Order No. 1 na pinirmahan ni Noynoy para likhain ang Truth Commission, dahil posible umano itong gayahin ng susunod na mga liderato para sa kanilang “paghihiganti" sa ibang administrasyon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nitong Miyerkules, iginiit ni PNoy na hindi lamang ang mga hinihinalang katiwalian na naganap sa Arroyo administrasyon ang planong imbestigahan ng Truth Commission. Ibinasura ng mga mahistrado ng SC sa botong 10-5 ang EO No.1 dahil labag umano ito sa “equal protection clause" sa Saligang Batas. Ngunit kahit ibinasura ang truth commission, naniniwala si Pueblos na maaari pa ring gawin ni Noynoy ang pagsisiyasat sa mga katiwalian na naganap sa lahat ng nagdaang administrasyon sa pamamagitan ng mga ahensiya gaya ng Department of Justice at Office of the Ombudsman. Samantala, hiniling ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dating lider ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines, sa SC na ipaliwanag sa publiko ang desisyon nitong ibasura ang EO No.1. Ayon sa arsobispo, kung mapigilan man ang paglikha ng truth commission, hindi naman umano maaaring itago ang katotohanan. “No one can stifle or silence or hide the truth, it will come out some other way," pahayag ng arsobispo sa hiwalay na panayam. Kasabay nito, idinadalangin ni Pueblos na igalang ng mga pangunahing sangay ng pamahalaan ang isa't isa para sa mas maayos na pamamahala. “Why not have co-respect to the legislative, judicial and executive (branches). The executive must respect also the judicial department in order for us to have a good form of government," aniya. - MP, GMANews.TV
LOADING CONTENT