Filtered By: Showbiz
Showbiz

Katrina Halili: 'Mamatay pa ako o mamatay pa buong pamilya ko, hindi ko alam'


Nanindigan ang sexy Kapuso star na si Katrina Halili na hindi niya alam na kinunan ng video ang ginawang pagtatalik nila ng dating nobyo na si Hayden Kho Jr. Ang pahayag ay ginawa ng aktres matapos ibasura ni Judge Rodolfo Bonifacio ng Pasig Regional Trial Court Branch 159, ang kasong isinampa niya laban kay Hayden tungkol sa kumalat nilang sex video. Batay sa 10-pahinang desisyon ni Bonificio, sinabi nito na nabigo ang kampo ni Katrina na patunayan na hindi niya batid na kinukunan ni Hayden ang kanilang pagtatalik. “It is clear that evidence is insufficient to prove that the sex video was taken without the private complainant’s knowledge. On this score alone, it will already be very hard to hold the accused criminally responsible for his act of taking the sex video," nakasaad sa desisyon ng korte. Ngunit nanindigan si Katrina na wala siyang alam sa ginawang pag-video sa kanilang pagtatalik ng dating duktor.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Mamatay pa ‘ko o mamatay pa buong pamilya ko, hindi ko alam," pahayag ng aktres sa primetime news 24 Oras nitong Martes. “Yung pinaglalaban ko naman hindi lang para sa akin, para sa ibang tao din. Ano ‘yun? Mauulit-ulit lang ito sa ibang tao, ganun. Nakakalilabot lang." idinagdag ni Katrina. Inihayag naman ng abogado ni Katrina na si Atty Raymond Palad, na pag-aaralan nila ang naging desisyon ng korte para sa susunod nilang hakbang. “Contradiction lahat. Sa lahat ng venue sinasabi ni Hayden walang consent, walang knowledge si Katrina. Suddenly sabi ng court may consent, may knowledge si Katrina," ayon kay Palad. Una rito, nagpahayag din ng pagkadismaya si Sen Bong Revilla Jr sa naging pasya ng korte. Nangangamba rin ang senador na dumami ang mga katulad na kaso ng sex scandal dahil sa desisyon ng korte. Sa isang press conference, pinasalamatan naman ni Hayden ang mga taong sumuporta sa kanya. “I am going to rebuild my life, I am going to be a blessing to others," aniya. Sinabi naman ng abogado ni Hayden na si Atty. Lorna Kapunan, na “very satisfied" sila sa naging hatol ng korte. Gayunman, nilinaw niya na hindi niya inaayunan ang naganap na iskandalo. Nagpahayag din ng hangarin si Hayden na mabawi muli ang kanyang lisensiya bilang duktor na inalis ng Professional Regulation Commission (PRC) dahil sa naganap na iskandalo. Nagpaabot din siya ng mensahe at humingi ng paumanhin kay Kartina sa mga nangyari sa kanila. Nais ng binata na magkausap muli sila ng aktres nang wala umanong kasamang abogado. – FRJimenez, GMANews.TV