Filtered By: Topstories
News

Reinvestigation sa Vizconde massacre inutos ng Palasyo


MANILA – Inutos ng Malacañang nitong Biyernes na imbestigahan muli ang Vizconde massacre para malaman kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay sa mag-iinang biktima noong 1991. Ayon kay Executive Secretary Paquito "Jojo" Ochoa Jr., ang direktiba ay ibinigay kina Justice Secretary Leila De Lima, Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, Philippines National Police Chief Raul Bacalzo, at National Bureau of Investigation Director Magtanggol Gatdula. Inatasan ang mga nabanggit na ahensiya na, "to conduct a thorough investigation of the case, utilizing all available resources at your disposal to finally solve the same with the end-in-view of apprehending and prosecuting the authors of the crime." Sinabi ni Ochoa na inaatasan din si De Lima na pag-aralan ang posibleng pagbabayad ng danyos sa mga maling naakusahan kasunod na rin ng naging desisyon ng Korte Suprema na palayain ang pitong akusado sa pangunguna ni Hubert Webb, anak ni dating Sen Freddie Webb. Una rito, sinabi ni Sen Alan Peter Cayetano, isang abogado, na ang naging desisyon ng mga mahistrado na palayain ang mga akusdao ay hindi nangangahulugan na inosente sa krimen ang mga ito. Paalala ni Ochoa Pinaalalahanan din ni Ochoa ang mga opisyal tungkol sa prescriptive period sa mga kaso (na 20-taon) para maisampa ang kaso. Batay sa itinakdang prescription period sa Revised Penal Code (RPC), posibleng mapaso ang kaso ng Vizconde massacre sa susunod na taon. "Crimes punishable by reclusion perpetua (life imprisonment) shall prescribe in 20 years," nakasaad sa Article 90 of the RPC. Naganap ang Vizconde massacre sa Paranaque noong June 30, 1991. Nasawi sa karumal-dumal na krimen sina Gng Estrellita, at mga anak na sina Carmela, at Jennifer Vizconde. Bukod kay Webb, pinalaya rin ang mga akusado na sina Antonio Lejano, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Hospicio Fernandez, at Peter Estrada. Nauna nang nakalaya ang isa pang akusado na si dating policeman Gerardo Biong matapos nitong mabuno ang sintensiya. - GMANews.TV