Filtered By: Topstories
News

Flagdown rate P40 na: Fare hike sa taxi, inaprubahan ng LTFRB


MANILA – Mas mataas na singil sa pamasahe sa taxi ang sasalubong sa mga pasahero sa 2011 matapos aprubahan nitong Huwebes ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang petisyon na itaas sa P40 ang flagdown rate mula sa kasalukuyang P30. Bukod sa P10 pagtaas sa flagdown rate, itataas din ang singil sa susunod na 250 meters na takbo ng taxi sa P3.50 mula sa kasalukuyang P2.50. Ayon sa ulat ng isang himpilan sa radyo, ang kautusan ay pinirmahan ni LTFRB chairman Nelson Laluces at board member Engineer Samuel Julius Garcia. Ang umano’y "inflation and the increase of the price index," ang sinasabing dahilan kaya pinayagan ang petisyon ng mga taxi operator. Matagal na rin umano ang panahon nang huling gumalaw ang singil sa pamasahe sa taxi sa Metro Manila. Magkakabisa ang bagong singil sa taxi, 15-araw matapos mailathala sa mga pahayagan ang kautusan, o sa kalagitnaan ng Enero 2011. . Nagpahiwatig din umano si Department of Transportation and Communication Undersecretary Dante Velasco na posibleng tumaas din ang singil sa pamasahe sa mga pampasaherong jeepney. Sa kasalukuyan ay P7 ang minimum na singil sa jeepney at possible umano itong itaas sa P7.50. Nakaamba rin sa 2011 ang pagtaas sa singil sa pamasahe sa MRT at LRT, gayundin ang toll fee sa South at sa North Luzon Expressway.– GMANews.TV