Filtered By: Showbiz
Showbiz

A date with an Angel (Locsin): Azkals’ Phil Younghusband not losing hope


Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Fil-British football star na si Phil Younghusband ng Philippine Azkals na makaka-date niya sa ibang araw ang aktres na si Angel Locsin. Sa ulat ni Mark Angelo Ching sa online news na Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Biyernes, nagpaliwanag din si Phil kung bakit idinaan niya sa pag-tweet ang invitation kay Angel na maka-date sa Valentine’s Day. Batay umano sa naging panayam ng ABS-CBN News kay Phil, wala raw ibang paraan ang football player kung papaano makokontak ang aktres para maimbitihan kundi sa Twitter. Ang kapatid din umano ni Phil, na si James Younghusband, miyembro rin ng Azkals, ang nag-udyok sa kanya na i-tweet si Angel nitong Huwebes.
Sa tweet ni Phil kay Angel, nakalagay ang: “@143redangel Hi Angel! This Phil. How are you? I was just wondering if you are free for Valentines day?" Sagot naman ang aktres sa kanyang tweet: "hi! this is angel☺ Congrats on your win last night! Tnx for the invite but I have work on valentines.. Let's try another day☺." Umaasa at maghihintay umano si Phil na magkaroon ng katuparan ang pahayag ni Angel na maaaring silang lumabas sa ibang araw. Idinagdag pa sa ulat ni Ching na ito na ang magiging ika-limang sunod na Valentine’s Day ni Phil na wala siyang ka-date. Sa panayam naman ng GMA news' 24 Oras nitong Huwebes, "no comment" ang isinagot ni Phil nang tanungin siya ng anchor na si Mike Enriquez kung may nararamdaman siyang pag-ibig kay Angel. - GMA News