Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sexy star grieves over death of boyfriend John Apacible


Kabilang sa mga nagdadalamhati sa pagkamatay ng aktor na si John Apacible ay ang kasintahan nitong si Anna Lea Javier, na dating miyembro ng sexy group na Viva HotBabes. Umiiyak ang aktres nang makapanayam ni entertainment reporter Nelson Canlas, at hindi maalis na maitanong sa sarili kung bakit kailangang mangyari sa aktor ang marahas na kamatayan. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Anna Lea na may plano na sila ni John na magpakasal sana ngayong taon. Walong taon din umano ang itinagal ng kanilang relasyon. Katunayan, asawa na raw ang turing niya sa aktor.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ikinuwento naman ng panganay na anak ni John na si Auren, na may kakaiba siyang naramdaman nang huli silang magkasama ng ama. Hindi raw sila madalas magkita ng ama pero sa hindi niya malamang dahilan ay pinuntahan niya ang aktor at magkasama pa sila sa pagkanta sa videoke. “After naming kumanta bilang parang may na-feel ako na iba, parang ano yun? Iba talaga yung naramdaman ko sobrang sandali lang pero iba yung feeling bigla. Hindi ko na lang pinansin," kuwento ni Auren. Labis ang panghihinayang ni Anna Lea sa biglaang pagpanaw ng aktor dahil marami pa silang pangarap gawin tulad ng pagbuo ng sarili nilang pamilya. Si John ay binaril ng kanyang tiyuhin na si Armando Rustia, 61-anyos, sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal noong Linggo matapos umano ang mainitang pagtatalo. Bagaman idinepensa lang umano niya ang sarili, sinampahan na ng kasong pagpatay si Rustia nitong Martes. - FRJimenez, GMA News