Filtered By: Topstories
News

Integridad ng Simbahan Katoliko, nais wasakin ng Aquino govt?


MANILA – Nais nga bang sirain ng administrasyong Aquino ang integridad ng Simbahang Katoliko kaya inilabas ang kontrobersiya tungkol sa ilang Obispo na tumanggap umano ng mga sasakyan sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ilalim ng administrasyong Arroyo? Puna ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo, lumabas ang ulat tungkol sa mga Obispo na nabigyan umano ng mga sasakyan sa PCSO matapos batikusin at hamunin ni Butuan City Bishop Juan de Dios Pueblos, si Aquino na magbitiw sa puwesto. Bukod pa rito, hinihinala ni Bagaforo na may kinalaman din ang matinding pagsalungat ng Simbahan sa reproductive health bill, na sinusuportahan naman ng administrasyong Aquino. “Itong pagpapakalat ng balita na nakatanggap ng mga SUV ang ilang bishops ay atake nila ngayon on moral ascendancy sa mga obispo. Nakakita sila ng magandang panlaban in order to destroy the moral ascendancy ng mga obispo kontra sa RH bill," ayon sa obispo sa panayam ng Veritas radio nitong Miyerkules. Dagdag pa nito:"Naniniwala ako na mayroon itong koneksyon nung magsalita si Bishop Pueblos tungkol sa ating Presidente na negative. Na kanyang mga sinabi at iyong warning na kanyang ibinigay kay Presidente na hindi ka karapat-dapat na maging Pangulo."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa mga lumabas na ulat, sinasabing pitong obispo – kabilang umano sa Pueblos – ang nabigyan ng mga sasakyan ng PCSO noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Iginiit ng Commission on Audit na bawal sa pamahalaan na magkaloob ng pinansiyal na tulong o gamit sa mga sektor, katulad ng Simbahan. (Basahin: Kahit alagad ng Simbahan: Mga nakakuha ng espesyal na pabor sa PCSO, pinakakasuhan) Ngunit para kay Bagaforo, dapat alamin at ipaliwanag ng dating liderato ng PCSO kung ano ang dahilan at pinagkalooban ng sasakyan ang mga obispo. Naniniwala si Bagaforo na hindi para sa pansariling interes ng mga obispo ang pagtanggap ng mga sasakyan kung totoo man ang nasabing mga ulat. “Let the record show kung ano ang purpose ng pagbigay at ano ang purpose ng paggamit. Pangalawa, the giver siguro o iyong nagbigay na agency, they would know the reason why they give it. Hindi obispo ang dapat sumagot niyan," dagdag ni Bagaforo. Nanawagan naman si Lipa Archbishop Ramon Arguelles, na huwag kaagad husgahan ang lahat ng obispo kaugyan sa kontrobersiya ng mga sasakyan. Kung mayroon umanong pitong obispo na inaakusahang tumanggap ng mga sasakyan, dapat daw malaman ng publiko na mahigit 130 ang mga obispo sa bansa. “Kaya huwag nilang lahatin. At isa pa, talaga namang nagbibigay ng tulong ang PCSO sa mga institution gaya ng mga ambulansiya. Siguro may mga obispong nakakuha ng ambulansiya na hindi naman ginamit for their personal interest kundi para din sa mga tao. Hindi naman I think for private purpose iyon," pahayag ni Arguelles sa hiwalay na panayam ng Veritas radio. Pasok ang Senado Sinabi naman ni Sen Panfilo Lacson na magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate blue ribbon committee, tungkol sa alegasyon na ginamit ang pondo ng PCSO para makakuha ng suporta para sa gobyerno noon ni Arroyo. Ipatatawag umano ng komite na pinamumunuan ni Sen Teofisto Guingona III, ang ilang Obispo, kongresista at maging ilang persolidad mula sa pribadong sektor. "Sen. Teofisto Guingona III (blue ribbon committee chairman) and I are in possession of several documents showing several anomalous transactions involving PCSO and some personalities who weren't supposed to be receiving from PCSO," anang senador. Tumanggi naman si Lacson na tukuyin kung sino ang mga obispo at kongresista na iimbitahan sa pagdinig. "We cannot reveal the names as of now because the documents that we have still need further validation by the PCSO and Commission on Audit," paliwanag niya. - GMA News
Tags: pcso, cbcp, pcsoscam