Filtered By: Topstories
News

Rigodon sa Gabinete ni PNoy, posible pa rin


MANILA – Posible pa rin na magkaroon ng rigodon sa Gabinete ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kung hindi umano magsisikap sa trabaho ang kanyang opisyal. Sa panayam ng media nitong Huwebes matapos pirmahan upang maging ganap na batas ang pagpapaliban ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sinabi ni Aquino na kakausapin niya ang isang kalihim na hindi siya nasisiyahan sa trabaho nito. “Meron pa akong isang kakausapin at kapag hindi kami nagkaigihan e palagay ko baka mabibigyan siya ng ibang assignment," pahayag ni Aquino. Noong nakaraang linggo, inamin ng pangulo na may dalawa hanggang tatlong miyembro ng kanyang Gabinete ang mistulang tagapaghatid sa kanya ng “masamang balita." (Basahin: ‘Pabigat’ na miyembro ng Gabinete, dapat sibakin daw ni PNoy) Ngunit bago nito, nabanggit na rin ni Aquino nang umuwi siya sa bansa mula sa Thailand, na dalawang miyembro ng kanyang Gabinete ang kanyang kakausapin dahil hindi siya nasisiyahan sa trabaho ng mga ito. Sa kabila nito, sinabi ng pangulo na kontento siya sa trabaho ng mas nakararami sa kanyang mga opisyal. “I am very, very satisfied with most of them. A lot of them have been really self motivating, self actualizing," pahayag nito. Kabilang sa mga binanggit nito ay sina Social Welfare Secretary Corazon Soliman, Science undersecretary Graciano Yumul Jr, ang kanyang economic team at ang Philippine National Police. “May yabang na ako for instance, may darating na sakuna na bago ko pa matanong si Secretary Dinky ay siguradong nandoon na siya at inaasikaso ang ating mga kababayan. Iyong PAGASA, kapag nakakausap natin si Usec Yumul, sigurado ako kapag sinabi niya ang laking chances na tama iyong sinasabi niya," paliwanag niya. “Iyong ating economic team, idenemonstrate naman po nila, hindi iisa sa mga rating agencies ang nag-upgrade sa atin sa panahon na nagda-downgrade sila na napakaraming ibang bansa. Sa ating kapulisan, sa dami pong naso-solve na mga krimen na naire-report sa atin, pati iyong mga mabibigat na krimen," dagdag ng pangulo. Aminado rin ang pangulo na hindi perpekto ang kanyang Gabinete pero umaasa siyang lalo pang magsisikap ang kanyang mga opisyal. -- GMA News