Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, handa raw makiisa sa anti-smoking campaign


Kasabay ng paghingi ng paumanhin sa kanyang larawan na may hawak siyang sigarilyo, sinabi ng veteran actress na si Nora Aunor na handa siyang mangampanya upang himukin ang mga kabataan na huwag manigarilyo. Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel sa late night news Saksi nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Aunor na hindi siya ang pumili sa kontrobersiyal na larawan na naging cover ng Yes! Magazine. Ang naturang litrato na may hawak na sigarilyo na si Aunor ay binatikos ng Philippine Medical Association (PMA) dahil tila panghihikayat ito sa publiko na manigarilyo. “Humihingi pa rin ako ng paumanhin kung sakaling nailagay ‘yon sa cover. Walang intensyon, hindi sinasadya ‘yon. Hindi para turuan ang mga kabataan lalong lalo na para manigarilyo dahil alam ko sa sarili ko na talagang masamang manigarilyo," paliwanag ng tinaguriang Superstar sa Philippines showbiz. Binatikos naman ng mga tagahanga ni Aunor ang mga bumabatikos sa kanilang idolo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Kasi si Ate Guy hot issue ngayon eh sikat at maraming gustong maki-ride on sa idolo naming," pahayag ng “Noranian" na si Jojo Javier. Mahigpit naman ang bilin ni German “Kuya Germs" Moreno sa kanyang kaibigang si Aunor na itigil na ang paninigarilyo. Ayon mismo sa batikang aktres, unti-unti na niyang sinusubukan na iwasan ang naturang bisyo. “Talagang parating ‘yon hindi na malayo, kasi masama rin yung bigla daw huminto ka. Pero hihinto at hihinto ako. Kapag huminto ako, ako mismo ang magsasabi sa kanila lalo na sa mga kabataan, ako ang mangangampanya talaga na ‘wag kayong maninigarilyo," garantiya niya. Bukod kay Aunor, pinuna rin ng PMA ang larawan ng young star na si Anne Curtis na may hawak ding sigarilyo na cover din ng isang magazine.