Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kuya Germs: Nora Aunor rushed to hospital


Isinugod umano sa ospital ang Superstar na si Nora Aunor nitong Martes, ayon sa kanyang matalik na kaibigan at manager na si German “Kuya Germs" Moreno. Sa kanyang radio program na "Walang Siyesta" sa dzBB radio nitong hapon ng Martes, sinabi ni Kuya Germs na posibleng sobrang pagod sa trabaho ang dahilan ng pagkakasakit ng batikang aktres. Bukod sa sobrang pagod, hinihinala ni Kuya Germs na maaaring nakaapekto rin sa kalusugan ni Aunor ang pabago-bagong panahon sa Pilipinas. Katunayan, sinabi ni Kuya Germs na maging ang beteranang aktres na si Gloria Romero ay masama rin umano ang pakiramdam nang makasama niya. Nagdiwang ng kanyang kaarawan si Kuya Germs nitong Martes (Okt 4), at ipalalabas ang kanyang birthday celebration sa TV show na "Walang Tulugan" sa GMA 7. Bagaman, inabisuhan umano si Ate Guy na magpahinga, hindi nabanggit ni Kuya Germs kung saan ospital dinala ang kaibigan at kung pinayagan na itong lumabas ng pagamutan. Matagal nang namamalagi sa Amerika si Ate Guy at dumating siya sa Pilipinas noong Agosto para gumawa ng ilang proyekto. Nitong Linggo, dumalo pa si Aunor sa season opening ng Philippine Basketball Association sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao para maging muse ng Talk ‘N Text team. Ayon kay Kuya Germs, mula nang dumating sa bansa ay wala ng tigil ang batikang aktres sa pagsushooting, taping at pagdalo sa mga event. Kamakailan lang ay naging kontrobersiyal ang larawan ni Aunor na naging cover ng isang magazine matapos punahin ng Philippine Medical Association ang hawak niyang sigarilyo. (Basahin: Nora Aunor, handa raw makiisa sa anti-smoking campaign) - FRJimenez, GMA News