Filtered By: Topstories
News

Manny Pangilinan, posibleng ipatawag ng Senado tungkol sa transaksyon kay Ongpin


MANILA – Bukas si Senador Sergio "Serge" Osmeña III, na ipatawag ang negosyanteng si Manny Pangilinan, kaugyay sa naging transaksyon nito kay Roberto Ongpin na iniimbestigahan dahil sa pag-utang sa Development Bank of the Philippines noong 2009. Kasabay nito, sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Biyernes, iginiit ni Reynaldo David, dating presidente ng DBP, na legal at walang iregularidad sa ginawang pagpapautang ng bangko sa kumpanya ni Ongpin, at katunayan ay kumita pa umano ang bangko ng mahigit P 1 bilyon. Ayon kay Osmeña, nais niyang malaman kung sino ang malaking tao na posibleng sangkot pag-utang ni Ongpin ng P660 milyon sa DBP para sa kumpanya nitong Delta Venture Resources Inc. (DVRI), at sa naging bentahan ng shares ng Philex. Lumitaw na ang perang nautang ni Ongpin ang ginamit sa pagbili ng DVRI ng mga shares ng Philex, na pagkaraan ay ibinenta naman sa kumpanya ni Pangilinan sa mas mataas na halaga. "Bobby Ongpin is not big enough to be able to get that kind of information and all that and be able to buy those shares at that price," pahayag ni Osmeña patungkol sa bentahan ng shares. Ayon kay Osmeña, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions, and currencies, na bukod sa Philex, nakabili rin ng shares ang DVRI sa Meralco at Petron, ibinenta rin ang mga sapi sa mas mataas na presyo. "(He made deals with) three companies that were the subject of takeovers na nag-triple ang price (ng shares)," anang senador. Sinabi ni Osmeña na kung maipatatawag sa Senado si Pangilinan, ilan sa kanyang itatanong sa negosyante ay: "The only question I'll ask him is 'Manny did you ever talk about buying at P21? And when did you talk (about) this and to whom did you talk (with)'," ayon sa senador.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Inside trading? Maging ang pinuno ng Commission on Audit (COA) na si Grace Pulido-Tan, ay hindi inaalis ang posibilidad ng panloloko at insider trading sa naganap na transaksyon ng DVRI sa pagbili ng mga shares. Lumitaw na nabili ng DVRI sa halagang P12.75 per share ang Philex at naibenta naman sa halagang P21 per share. Ngunit ang naturang alegasyon ay mariing pinabulaanan ng kampo ni Ongpin na nabigong makadalo sa Senado dahil nasa labas na ito ng bansa nang itakda ang pagdinig. "Contrary to the allegations mentioned in various news reports and contained in the complaint filed by the DBP against myself and 27 other individuals, the loans obtained by my company, Delta Venture Resources Inc. (DVRI) from DBP, as well as the same transaction with Two Rivers Pacific Holding Corporation were regular and above-board," pahayag ni Ongpin sa inihandang pahayag na dala ng kanyang abogado na si Atty Alex Poblador. Kumita ang DBP -- David Sa unang pagkakataon, nagsalita na rin si David, dating presidente ng DBP, tungkol sa pag-utang ni Ongpin at iginiit sa komite ni Guingona na legal at walang iregularidad sa ginawang pagpapautang ng bangko. Katunayan, kumita umano ang DBP ng mahigpit P1 bilyon sa naturang transaksyon sa negostante, at walang perang inilabas ang bangko. “There was no cash out. In fact, there was even a cash inflow," paliwanag ni David. “This fact is proven as the two credit accommodations aggregating P660 million were fully paid even before their respective maturity dates. DBP made a windfall profit of some P1.382 billion in a span of less than three months." Idinagdag pa niya na dahil sa transaksiyon sa kumpanya ni Ongpin ay umabot sa pinakamataas na P6 bilyon ang “bottom line" ng DBP noong 2009. “We submit in this hearing that the transactions are neither behest loans in the context of Supreme Court decisions nor disadvantageous to the DBP that earned P1.382 billion in share trading transactions in less than two months," giit niya. Hinihinala na ang ginagawang imbestigasyon ng bagong pamunuan ng DBP sa nautang ng kumpanya ni Ongpin ang dahilan kaya nagpakamatay ang isang opisyal sa bangko na si Atty. Benjamin Pinpin. - GMA News