Filtered By: Topstories
News

Ex-Pres Arroyo, may plano sanang lumabas ng bansa noong Setyembre


MANILA -- Lumitaw na may planong umalis ng Pilipinas noong Setyembre si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para dumalo sa ilang pagtitipon at ipasuri ang kanyang sakit. Ito ay batay sa ipinakitang travel authority na pinirmahan ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., noong Setyembre at inindorso niya kay Foreign Affairs Sec Albert del Rosario. Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, ipinaalam din ni Belmonte na humiling ang kampo ni Arroyo na magsama ng isang nurse sa panibagong plano nito na umalis ng bansa para ipagamot ang kanyang sakit. “I think they [Arroyo’s camp] are preparing to go. I got text from Len asking me if it is possible to bring along a nurse [sa pag-isyu ng travel authority]," patungkol ni Belmonte sa text message na ipinadala ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Nitong Miyerkules, isiniwalat ni Belmonte na pinirmahan niya noong nakaraang linggo ang panibagong travel authority para kay Arroyo na hindi umano ganap na nakabawi sa operasyon sa kanyang buto sa leeg. Sa travel authority na pinirman ni Belmonte noong Setyembre, lumitaw na plano sana ni Arroyo na magtungo sa New York, USA para dumalo sa Clinton Global Initiative Meeting at medical consultation (September 18-27, 2011); pagkaraan nito ay sa Munich, Germany para sa medical consultation (September 28- October 6), at sa Geneva, Switzerland para sa Regional Consultation meetings ng International Commission against Death Penalty (October 10-11). Ngunit hindi umano nakadalo sa naturang mga pagpupulong si. Arroyo dahil sa maselan nitong karamdaman. Sinabi ni Belmonte na kailangan niyang bigyan ng panibagong travel permits si Gng Arroyo matapos mapaso ang naunang travel authority na ibinigay niya. (Basahin: Ex-Pres Arroyo, humingi ng permisong mag-abroad – Belmonte) “If it [travel authority] is necessary to be amended, I won’t be quibbling over it. We will change it. I would like to be as accommodating as possible because we are talking about life here," paliwanag ng lider ng Kamara. Kumpiyansa naman si Belmonte na babalik sa Pilipinas si Arroyo para harapin ang mga kaso nito kapag nakapagpagamot na sa abroad. “I want to be accommodating as possible. I am confident that she’s coming back," ani Belmonte “The moment you don’t come back to the country, it means you’re guilty." -- GMA News