Filtered By: Topstories
News

UPLB student na si Given Grace, hinalay bago pinatay; 2 suspek, nagturuan


MANILA – Inamin ng dalawang suspek na nadakip sa brutal na pagpatay sa isang 19-anyos na estudyante ng University of the Philippines (UP) Los Baños, na sinaktan at ginahasa muna ang biktima bago pinatay. Sa ulat ni GMA Reporter Ian Cruz sa primetime news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naging susi sa mabilis na paglutas sa kaso ni Given Grace Cebanico, 19-anyos, ang minor-de-edad na kasama ng mga suspek nang gabing dukutin ang biktima sa labas ng dorm ng UPLB sa Laguna noong Martes ng madaling-araw. Nakaangkas umano ang saksi sa tricycle na pinapatakbo ng suspek na si Percival de Guzman, at sakay din ang isa pang suspek na si Lester Ivan Rivera, na security guard sa isang bangko. Mabilis umanong kumalas sa grupo ang saksi nang makita nitong hablutin si Cebanico, tinutukan ng baril at sapilitang isinakay sa tricycle. Nang magpunta sa police station ang saksi para ikuwento ang kanyang nakita, nakilala nito si De Guzman na dinala naman sa presinto matapos ireklamo ng paggugulo sa isang barangay dahil sa kalasingan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa pag-imbestiga kay De Guzman, nakuha umano rito ang cellphone ni Cebanico. Dahil dito, kaagad na isinalang ng pulisya sa interogasyon ang suspek kung saan umamin umano ito sa ginawang panghahalay at pagpatay sa biktima. Lumitaw din na holdap lang ang unang pakay nila kay Cebanico. Habang dinadala sa madamong lugar kung saan pinaslang ang biktima, sinabi ng suspek na nanlaban ito kaya sinuntok bago hinalay. Sinabi ni De Guzman na si Rivera ang bumaril kay Cebanico sa kabila ng ginawa niyang pag-awat. Pero bagaman inamin ni Rivera na siya ang pumatay, itinanggi niya na ginahasa niya si Cebanico. Si Rivera ay nadakip sa Floridablanca sa Pampanga nitong Biyernes ng umaga matapos nitong puntahan ang kanyang lolo at ipaalam ang nagawa niyang krimen. Kaagad namang isinuplong ng matanda sa kanilang barangay ang kanyang apo. (Basahin: 2 suspek sa pagpatay sa 19-anyos na UPLB student, nadakip na) Nag-umapaw naman ang galit sa mga kamag-anak ni Cebanico nang makita nila ang dalawang suspek sa kulungan sa Los Banos, Laguna. - FRJimenez, GMA News