Filtered By: Topstories
News

Sundalong napatay sa Basilan, umabot na sa 19


Umabot na sa 19 ang bilang ng sundalong napatay sa engkwentro sa Al-Barka, Basilan nitong Martes. Ito ay matapos makuha ang mga labi ng anim sa walong sundalo na naunang naiulat na nawawala. Ayon kay Army spokesman Col. Antonio Parlade, ang anim na bangkay ng mga sundalo ay nakuha sa Brgy Bato-Bato sa bayan ng Al-Barka. Isang sundalo pa umano ang nawawala, habang ang isa pa ay nasa pangangalaga na ng Scout Rangers. "Nakita na 'yung anim, buhay kagabi na-capture, pinatay na nila, so they murdered actually yung anim," ayon kay Parlade. Sa 19 na nasawi, hindi bababa sa apat ang bilang ng mga junior officer. Sa nakalipas na limang taon, ang naturang bilang ng mga nasawi ang pinakamaraming nalagas sa tropa ng militar sa pakikipag-engkwentro sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Noong 2007, 14 na Marines – ang iba ay pinugutan pa – ang napatay din sa sagupaan sa Al-Barka.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Naganap ang madugong engkwentro nitong umaga ng Martes habang may umiiral na ceasefire sa pamahalaan at MILF dahil sa isinusulong na usapang pangkapayapaan. Itinuturing naman ni government chief negotiator Marvic Leonen, na “isolated incident" ang naturang insidente na hindi umano makakaapekto sa isinusulong na negosasyon. "We are confident that the current mechanisms for monitoring violations of the ceasefire agreement are in place and are effectively working," nakasaad sa pahayag ni Leonen nitong Miyerkules. Iginiit naman ng MILF na pinasok ng mga sundalo ang kanilang teritoryo kaya naganap ang palitan ng putok. Bagay na itinatanggi naman ng military at iginiit na tinutugis nila ang puganteng si Dan Laksaw Asnawi. Si Asnawi ay sinasabing kasama ng 30 bilanggo na tumakas sa Basilan Provincial Jail noong December 2009. Kasama rin umano si Asnawi sa mga pumugot sa 14 na miyembro ng Marines na napalaban sa mga armadong lalaki sa bayan ng Albarka sa Basilan noong 2007. “They attacked our forces in the area without proper coordination and allegedly they were running after criminals," ayon kay MILF spokesman Von Al Haq. “If that’s true that they were running after criminals, they short cut the process." Kasabay nito, sinabi ni Parlade na nakatitiyak ang militar na buhay ang anim na sundalo nang mabihag ng mga rebelde pero nakuha nilang patay. “May mga nakakita na buhay sila nung kinuha kagabi. Naubusan lang ng bala’ yan," ayon sa tagapagsalita ng militar. - FRJ, GMA News