Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sen Bong Revilla, kinumpirmang may asawa na si Ramona


Kinumpirma ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., na may asawa na ang kapatid niya sa ama na si Ramona Bautista. Posibleng ito umano ang puntahan ni Ramona kung totoo ang ulat na nasa Turkey na ito matapos umalis ng bansa nitong Biyernes ng gabi patungong Hong Kong. Sa phone interview ni Lolit Solis, host ng Startalk TX nitong Sabado, sinabi ni Sen Bong na 19-anyos lang nang mag-asawa si Ramona na dahilan kaya sumama ang loob ng kanilang ama na si dating Sen Ramon Sr. "Kaya sumama ang loob ng aking ama dyan kay Mara dahil nag-asawa ng bata…yun nga I think 19 years old nung mag-asawa si Mara. ‘Yon malamang 'yon ang pupuntahan niya dun sa Turkey," tugon ng senador nang kunan ng reaksiyon ni Lolit tungkol sa mga impormasyon na nasa Turkey na si Ramona, 21-anyos na ngayon, matapos umalis ng Pilipinas patungong Hong Kong. Una rito, nagpahayag ng pagkabigla si Sen Bong nang malaman na umalis ng bansa si Ramona sa kabila ng lumilitaw na resulta ng imbestigasyon ng Paranaque City Police na may kinalaman ito sa pagkamatay ng kanilang kapatid na si Ram o Ramgen Revilla. Ikinagulat din umano niya ang pagbabago ng pahayag ni Ramona na hindi siya totoong dinukot ng mga suspek na pumatay kay Ram noong nakaraang linggo. Bukod kay Ramona, nasasangkot din sa krimen ang kapatid nilang si Ramon Joseph (RJ) Bautista, na kasalukuyang nasa kostudiya na ng pulisya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sina Ramona, Ram at RJ, ay mga anak ni Ramon Sr sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay. Sa tatlo, sinabi ni Sen Bong na si Ram ang pinakamalapit sa kanilang pamilya dahil halos sa kanilang partido ito lumaki kasabay ng kanyang mga anak na sina Jolo at Brian Revilla. “Si Ramgen halos lumaki 'yan halos kasabay nina Jolo at Brian dahil nung nabubuhay pa mommy ko, ang mommy ko pa mismo ang nag-aalaga diyan sa kanyang sa mansion. Mahal na mahal ng nanay ko 'yan kaya ganun kalapit sa amin si Ramgen," pahayag ni Sen Bong. Iginiit ng senador na mahal niya ang kanyang mga kapatid sa ama pero dapat umanong managot sinuman ang may kinalaman sa pagpaslang kay Ram at malubhang nakasugat sa nobya nitong si Janelle Manahan. Hinamon din ni Sen Bong ang ina ng tatlo na si Genelyn na pauwiin si Ramona kung naniniwala ito na walang kinalaman sa pagkamatay ni Ram ang anak. “Pabalikin mo anak mo, hindi ako naniniwala na hindi mo alam na aalis yung anak mo, ilabas niyo," ayon sa senador. Ipinaalala rin niya kay Genelyn na bagaman ang mga anak niya ang itinuturong akusado sa krimen, hindi umano nito dapat kalimutan na anak din niya ang biktima. Masakit umano ang trahedyang kinakaharap ng kanilang pamilya dahil nadadawit na ang buong angkan ng Bautista o Revilla kahit wala naman silang direktang kinalaman sa kaso. “Sobrang pabigat ito, sobrang sakripisyo na ng pamilya namin. On our side, wala kaming kasalanan dito sa mga aspeto na ito. Pero dahil Revilla, nadadawit ang buong clan, nadadawit ang buong angkan ng Revilla, buong Bautista na walang kinalaman," paliwanag niya. Dagdag pa ni Sen Bong, hindi pa alam ng kanilang may sakit na ama ang mga bagong nangyayari sa kaso ni Ram partikular ang biglang pag-alis ni Ramona. Makikipag-ugnayan din umano ang senador sa National Bureau of Investigation para makipag-ugnayan sa Interpol upang mapabalik kagaad sa bansa si Ramona. -- FRJimenez, GMA News

Tags: ramrevilla